Bayanihan sa Italy: Mga OFW tinulungan ang mga kapwa Pinoy na nangangailangan

Imahe mula sa GMA News | Rey Lapitan Rebudal
  • Dahil mahigit isang buwan nang naka-lockdown ay nagtulungan ang mga OFW sa Italy upang maabutan ng relief packs ang mga kapwa Pilipino na nangangailangan
  • Sabi ni Rey Lapitan Rebudal, pinagsama nila ang mga ayuda mula sa gobyerno at donasyon ng mga nakaluluwag na Pilipino sa kanilang pagre-repack
  • Sila na rin ang naghahatid nito sa bahay ng mga OFW

Wala man sa Pilipinas ay hindi nakalimutan ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa Italy, kung saan may ikatlong pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong mundo, na magbayanihan.

Imahe mula sa GMA News | Rey Lapitan Rebudal

Nakapanayam ng GMA News si Rey Lapitan Rebudal, isang Pinoy na tumutulong sa mga OFW na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa mahigit isang buwan nang lockdown.

“Ang mga kababayan natin halos isang buwan at kalahati nang naka-lockdown dito sa amin. Tapos yung may mga trabaho dati, hindi na rin makapagtrabaho dahil sa lockdown na ito,” kuwento ni Rey.

May ayuda naman daw ang gobyerno ngunit nahihirapan sila sa pamamahagi nito kaya naman naisipan niyang makipag-ugnayan sa munisipyo upang tumulong sa pamimigay sa mga nangangailangang Pilipino.

“Nahihirapan yung gobyerno ng Italya, ano, sa paghatid ng mga tulong. Kaya naisipan ko po na kontakin yung tinatawag na munisipyo at binigyan kami ng mga goods,” aniya.

Imahe mula sa GMA News | Rey Lapitan Rebudal

Ito at ang mga tulong mula sa ibang mga nakaluluwag na OFW ang pinagtutulungan nilang i-repack at ihatid sa bahay ng mga nangangailangang Pilipino. “Kami lang po ang nagre-repack dahil bawal po ang marami. Mga pasta, mga kiwi na prutas, ang dami po. Papamigay natin sa ating mga kababayan,” pahayag niya.

May 3,000 na Pilipino raw sa kanilang area sa Reggio di Calabria sa South Italy.

Pakiusap naman ni Rey, sundin ang gobyerno at manatili sa loob ng bahay kung hindi naman mahalaga ang gagawin.

“Ang panawagan ko lang po diyan ay sana iyon nga, makinig sila sa kung ano ang inuutos ng ating gobyerno dahil ikabubuti din natin yun na wag na po sanang lumabas. Yung mga lalabas, yung mga priority lang,” ani Rey.

Source :

YouTube, GMA News

Loading…