“Boy Next Door Mayor” ng Aliaga, Nueva Ecija, kinakikiligan habang rumoronda

  • Kinakiligan ng mga netizens ang isang guwapong mayor mula sa Aliaga, Nueva Ecija
  • Siya ay si Mayor Gelo Vargas na bagong mayor pa lamang at asawa ng isang konsehal sa Mandaluyong
  • Marami sa kaniyang mga nasasakupan ang natutuwa sa pagiging hands–on ng mayor, lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng bansa

Kung may hinahangaang Mayor Vico “Vivico” Sotto ang lungsod ng Pasig at ipinagmamalaking Mayor Isko “Moreno” Domagoso ang lungsod ng Maynila, kinakikiligan naman ang “Boy Next Door Mayor” ng munisipalidad ng Aliaga sa lalawigan ng Nueva Ecija na si Mayor Gelo Vargas.

Kamakailan lamang ay kinakiligan ang Facebook post ng mayor matapos niyang ipakita ang ginagawa nilang pagroronda gamit ang motorsiklo upang matiyak na sumusunod sa direktiba ng enhanced community quarantine ang kaniyang mga nasasakupan.

Ginamit pa ng mayor ang nauusong pick up line na “Kapag nakita kita… akin ka!” subalit ang bersyon niya, “Kapag nakita kita… HULI KA!”

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Gelo Vargas

“Pag nakita kita ….HULI KA! Ang may quarantine pass lamang ang makakalabas. Bawal lumabas ang walang face mask. Sa tricyle, isa lamang ang puwedeng sakay. Huhulihin ang saksakan nang kulit,” ayon sa caption ng post ni Mayor Gelo.

Kalakip sa naturang post ang mga larawan ng kaniyang personal na pagroronda sakay ng motorsiklo habang nakasuot ng surgical face mask, kasama ang kaniyang mga staff, na nakamotor din at nakasuot ng face masks upang pamarisan sila ng kanilang mga nasasakupan.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens. Marami ang natuwa sa pagiging hands–on nito sa paninigurong maayos ang kaniyang mga nasasakupan, at sumusunod sa ECQ.

“I truly admire Mayor Gelo Vargas sa kanyang pagiging hands-on, dedicated, genuine and consistent sa pagtupad ng tungkulin as local chief executive, community leader, and as public servant sa bayan ng Aliaga against all odds!,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Iyan ang mayor namin! Guwapo na, matalino at responsable pa.”

“Sige po mayor hulihin na po lahat ng makukulit… dapat po kasuhan na po para wala na pong gumaya. Ingat po mayor. God bless po,” pahayag naman ng isa.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa mapanuring mga mata ng ilan ang hindi nito pagsusuot ng helmet. Sana raw ay magsuot ito ng helmet sa susunod upang gayahin din ng iba.

Si Mayor Gelo Vargas ay nagwaging mayor ng Aliaga sa Nueva Ecija noong Mayo 2019. Siya ay kabiyak ni Mandaluyong Councilor Charisse Abalos-Vargas.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Gelo Vargas

Loading…