Bulag na masahista na balak maglakad mula Quiapo hanggang Pampanga, tinulungan ng concerned citizens

Imahe mula sa Facebook | Ron Escano at GMA News
  • Isang person with disability na nagbalak na maglakad mula Quiapo hanggang Pampanga ang natulungan ng mga concerned citizens
  • Nag-post ang isang netizen tungkol sa balak ni David kaya naman natulungan itong makauwi nang ligtas
  • Labis ang pasasalamat niya sa lahat ng mga tumulong sa kaniya

Sa tulong ng mabubuting loob na netizen ay naihatid pauwi ang isang bulag na masahista na tinangkang maglakad mula Quiapo sa Maynila hanggang Pampanga upang makapiling ang kaniyang pamilya.

Imahe mula sa GMA News | MarkJhon Johnson

Ayon sa ulat ng GMA News, naapektuhan ang hanapbuhay ni David Coper bilang masahista sa gilid ng Quiapo nang ideklara ang enhanced community quarantine sa Luzon. Naghihintay raw siya ng tulong ngunit wala umano siyang natatanggap.

Kaya naman 1 p.m. noong Martes, April 21 ay nagdesisyon siyang umuwi na lamang sa Pampanga dahil nag-aalala na rin siya sa kaniyang pamilya.

Naabutan siya ng netizen na si Ron Escaño sa Araneta Ave. sa Quezon City. “Napansin namin na siya ay bulag dahil may gamit siyang tungkod habang naglalakad. Huminto kami saglit para mag-abot ng kaunting tulong,” kuwento ni Ron.

Dito na nila nalaman ang plano ni David. Dahil hindi nila alam kung saan puwedeng lumapit ay kinuha na lamang nila ang cellphone number nito upang hingian ng update kada oras. Nag-post na rin siya sa Facebook upang mapansin ng mga awtoridad at concerned citizens.

Imahe mula sa GMA News

Umabot na raw sa Monumento asi David pagsapit ng 10 p.m. ngunit sa kabutihang palad ay may nakipag-ugnayan na sa mga pulis sa NLEX upang maihatid siya mula Valenzuela hanggang San Fernando, Pampanga sakay ng isang delivery truck. Mula roon ay sinundo na siya ng mga tauhan ng kanilang barangay upang maihatid siya sa kanilang tahanan.

Abot abot naman ang saya at pasasalamat niya dahil natulungan siyang makauwi.

“Makakatulog na siguro ako. Palagi kong iniisip ang mga anak ko. ‘Di ako makatulong araw araw, ma’am, e. Hindi ako nakakatulog sa gabi. Nag-aalala ako sa mg anak ko na paano na? At saka nanay ko na 83 years old, ma’am e,” aniya sa isang panayam sa GMA News.

“Sa mga tumulong sa akin lalo na sa barangay na nag-rescue sa akin, maraming salamat! Sana ay pagpalain pa sila ng Panginoon. Saka sa paglalakad ko sa daan, mga nag-aalala at tumulong sa akin, maraming salamat po sa kanila,” aniya.

 

 

Source :

YouTube, Facebook

Loading…