Bulakenya nagbabala hinggil sa mga manlolokong habal–habal drivers na naglipana

  • Nagbabala ang isang Bulakenya sa mga naglipanang manlolokong habal–habal driver
  • Ang mga habal–habal drivers na kalimitang nakasakay sa motor ay mga indibidwal na nagpapaangkas kapalit ang murang halaga sa kawalan ng pampublikong transportasyon
  • Hangad ng babaeng complainant na magsilbing babala ang kaniyang karanasan sa publiko

Kung marami ang tumutulong at nagbibigay ng kawanggawa sa panahon ng krisis sa bansa, marami rin ang iba’t ibang mga mapagsamantalang tao na ginagamit ang sitwasyon upang makapanloko ng tao, online man, o sa aktuwal na senaryo.

Gaya na lamang ng isiniwalat ng isang babaeng complainant na taga–San Jose Del Monte, Bulacan na nagngangalang “Jenelyn” kung saan ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post ang naranasang panloloko ng isang habal–habal driver na nakilala lamang niya nang araw na iyon sa lansangan.

Public Domain Image

“Doble ingat na lang sa mga habal–habal na umiikot ngayon, hindi talaga safe lalo na kapag gabi. Masuwerte pa rin ako kahit paano na iyon lang ang kinuha sa akin (mga pinamili niya). Mas mahirap na kapag buhay na ang kinuha sa iyo, yung mga gamit na ‘yun madali lang palitan ‘yun pero ang buhay ng tao hindi na maibabalik pa” aniya.

Salaysay niya, bandang 8:00 ng gabi ay nilapitan siya ng isang lalaking naka–motor. Inalok siya nitong sumakay, subalit nagdahilan ang complainant na may susundo raw sa kaniya, at hinihintay na lamang niya itong dumating. Subalit hindi rin malaman ng babaeng complainant kung paano siyang napapayag ng naturang habal–habal driver sa husay nitong manghikayat.

Nang malapit na sila sa isang mall, pinababa muna siya ng driver dahil may checkpoint daw at baka masita sila ng pulis na rumoronda. Ipinagbabawal kasi ang pag–angkas sa motorsiklo dahil na rin sa social distancing. Kailangan muna nilang lusutan ang checkpoint, at kapag nakalagpas na ang lalaki, susundan na ito ng babaeng complainant at muli siyang aangkas. Tumalima naman ang babaeng complainant. Ibinaba siya sa tapat ng isang paaralan, katapat ng mall.

Nang makaalis na ang habal–habal driver, naglakad na rin ang babaeng complainant. Kinabahan at kinutuban siya dahil wala naman siyang naispatang checkpoint at mga pulis. Hindi na niya ito nakita sa paligid. Ang masaklap nito, natangay nito ang  malaking bag ng babaeng complainant na naglalaman ng kaniyang mga pinamili at ilang personal na gamit.

Imahe mula sa Facebook account ni Jenelyn Torres Olivarez

Mabuti na lamang daw at tinulungan siya ng isang estrangherong nagngangalang “Russel Bartolome” at sinamahan siya sa barangay hall upang makapagpa–blotter. Hindi matandaan ng babaeng complainant ang mukha ng manloloko at magnanakaw na habal–habal driver dahil sa suot nitong helmet.

Sa huli, pinasalamatan ng babaeng complainant si Bartolome gayundin ang mga barangay tanod na umasiste sa kaniya. Sana raw ay magsilbing babala sa lahat ang kaniyang karanasan dahil tiyak na pagala–gala pa ang naturang habal–habal driver at naghahanap ng mabibiktima. Hangad din niyang mahuli na ito sa lalong madaling panahon.

Loading…