Buntis na hindi nabigyan ng ayuda, pinag–grocery ng estrangherong kabarangay na nakilala

  • Ibinahagi ng isang buntis na netizen ang tulong na natanggap niya mula sa isang estrangherong kabarangay
  • Nakasabay umano niya ito sa daan, dahil galing siya sa barangay hall upang malaman kung makatatanggap siya ng ayuda mula sa S.A.P
  • Sa kasamaang–palad, hindi siya kabilang sa listahan, subalit naiibang biyaya naman ang natanggap niya mula sa nakilala

Hindi lamang puro takot, pangamba, agam–agam, pag–aalinlangan, at iba pang negatibong pakiramdam ang idinulot ng COVID–19 sa mga Pilipino, kundi pinatunayan din nitong buhay pa rin ang diwa ng bayanihan at pagtulong sa kapwa.

Gaya na lamang ng kuwento ng isang inang si “Anne Alejo” mula sa Barangay Tungkong Mangga, San Jose Del Monte City, sa lalawigan ng Bulacan.

Ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post kung paano siya tinulungan ng isang estrangherong kabarangay, na nakilala lamang niya at nakasabay sa daan.

Imahe mula sa Facebook account ni Anne Alejo/Public Domain Image

Salaysay niya, nagtungo siya sa barangay hall upang alamin kung kasama ba siya sa listahan ng mga makatatanggap ng ayuda sa Social Amelioration Program o S.A.P. ng Department of Social Welfare and Development ng DSWD. Laking panlulumo niya nang hindi makita ang kaniyang pangalan. Kailangang–kailangan pa mandin niya ito para sa kaniyang isisilang na sanggol.

Walang nagawa ang ina kundi umuwi na lamang. Habang nasa daan, may nakasabay siyang isang may–gulang na babae, na napag–alamang kabarangay niya lamang, at nakatira rin sa subdivision kung saan siya naninirahan. Nabanggit niya rito ang kaniyang pagkadismaya, lalo’t gagamitin niya sana ang pera pambili ng gamit para sa panganganak.

Sa pagkagulat ng nasabing ina, inaya siya ng estrangherong babae para makapamili ng mga grocery items at ilang mga gamit para sa kaniyang isisilang na sanggol.

“Sabi niya ipag–grocery niya raw ako sa halagang 1,000 piso. Ayaw ko sanang pumayag pero nagpumilit siya kaya naman sumama na ako kasi wala na talaga kaming pera,” sagot ng ina sa panayam.

Habang namimili sila, hindi raw niya napigilang mapaiyak dahil sa kabutihan ng Diyos na ipinadala sa kaniya, sa anyo ng isang estrangherong kabarangay. Tumanggi na raw itong magpabanggit pa ng pangalan sa social media.

Public Domain Image

“Sobrang thank you, habang namimili kami hindi napigilin ng mga luha ko na pumatak sa sobrang saya. Hindi na kita papangalanan kasi alam ko mababasa mo ito at ayaw mo na i–mention kita. Nawa’y marami pang blessing ang dumating sa iyong pamilya at patuloy na lumago ang inyong negosyo . GOD BLESS YOU!” ayon sa post.

Ang mga ganitong kuwento ay tiyak na magbibigay ng inspirasyon sa ibang tao na huwag mawawalan ng pag–asa dahi may awa ang Diyos para sa mga taong marunong maghintay. Para naman sa estrangherong mapagkawangga, sana ay patuloy na bumalong sa iyo at sa iyong pamilya ang mga biyaya ng langit!

Loading…