Canada hindi na itinuloy ang deportation ng Pinay nurse sa gitna ng COVID-19 pandemic

  • Deportasyon ng isang Pinay nurse hindi na itinuloy ng Canada
  • Nakatakda sanang i-deport ang Pinay nurse sa April 28 dahil hindi siya nakapagbayad ng $100 fee at nakaligtaang magsumite ng dokumento para sa extension ng work permit
  • Agad babalik ang Pinay nurse sa sinumpaang tungkulin na tulungan ang mga pasyente sa gitna ng nararanasang health crisis

Nakalimutan ng isang Pinay nurse sa Canada na magbayad ng $100 fee at nakaligtaan niya ring magsumite ng isang dokumento para sa panibagong work permit matapos ma-expire ang permit noong Pebrero.

Imahe mula sa Toronto Star

Dahil dito ay ay nakatanggap siya ng deportation order. Nakatakdang i-deport ang Pinay intensive care unit nurse sa ika-28 ng Abril. Ito ay sa kabila ng pagkukumahog ng Canada na mag-recruit ng mga health care workers na makatutulong sa ginagawang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

“I don’t see how deporting an ICU nurse in the midst of a pandemic is in any Canadian’s interest,” sabi ng Toronto immigration lawyer na si Luke McRae, na tumutulong sa Pinay nurse na si Christine Joyce Vega upang mapanatili ito sa Canada.

Tinawag ni McRae ang deportation order na isang “crude and insulting response to her mistake.”

“Christine has done so much to serve and assist Canadians as a nurse. I don’t see how deporting an ICU nurse in the midst of a pandemic is in any Canadian’s interest,” sabi ng abogado.

Screenshot mula sa Balitang America video

Nang malathala sa mga pahayagan ang kaso ni Christine Joyce Vega, kumilos ang Filipino-Canadian community sa pangunguna ni Narima Dela Cruz upang matulungan ang kababayan.

Nakipag-ugnayan si Dela Cruz sa ilang Members of Parliament, kabilang ang MP sa King-Vaughn, Ontario kung saan naninirahan si Christine Joyce.

Ilang araw matapos matanggap ang mensahe ni Dela Cruz, agad nakipag-ugnayan si MP Debbie Schulte sa immigration services ng Canada at ‘di nagtagal ay inalis na ang deportation order laban sa Pinay nurse.

Screenshot mula sa Balitang America video

Nag-anunsyo ang Border Services Agency ng Canada na hindi na itutuloy ang kanyang deportasyon. Binigyan na rin siya ng panibagong work permit at ang permanent residency application niya ay muling ipo-propseso.

“I feel relieved, blessed and happy,” sambit ni Christine Joyce na nagtungo sa Canada noong 2015 bilang international student sa Conestoga College.

Noong 2017 ay nakuha ni Christine Joyce ang kanyang registered nurse (RN) license at may dalawang taon na siyang RN experience sa Markham Stouffville Hospital at Mackenzie Richmond Hill Hospital.

Aniya, agad siyang babalik sa sinumpaang tungkulin upang tulungan ang mga pasyente sa gitna ng nararansang health crisis.

Loading…