Cavite Governor hindi na itutuloy ang planong total lockdown dahil maraming residente ang walang refrigerator

  • Hindi na isasailalim sa total lockdown ang Cavite
  • Humingi ng paumanhin si Gov. Jonvic Remulla sa kalituhang idinulot ng nauna niyang pahayag
  • Isa mga dahilan kung bakit hindi na matutuloy ang total lockdown sa Cavite ay dahil sa 120,000 residente ang walang refrigerator at hindi makapag-iimbak ng pagkain

Humingi ng paumanhin si Cavite Governor Jonvic Remulla sa kalituhang idinulot ng kanyang pahayag na plano niyang isailalim ang buong Cavite sa total lockdown sa layuning mapigil ang pagdami ng mga residenteng nagpopositibo sa COVID-19.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Inamin niya na nagkamali siya sa kanyang pahayag. Sinabi niya ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi na matutuloy ang 15 days total lockdown sa buong probinsya.

“Ako talaga nagkamali doon. Ang number one consideration ko ay sa one million households sa Cavite, 120,000 ang walang refrigerator. So, hindi nila kayang mag-imbak ng pagkain, kailangan araw-araw  lumabas sila. Kung i-lockdown ko paano sila kakain,” ani Gov. Remulla.

Ang ikalawang konsiderasyon ng gobernador ay ang kakulangan sa pondo ng mga local government units (LGUs) na pakainin sa loob ng labinlimang araw ang mga resisdente nila.

“Pangalawa, hindi kaya ng LGUs pakainin ang 4.5 million Caviteños araw-araw. Sa bigas pa lang sa dalawang linggo, aabot kami ng mga P5 billion para pakainin lang ang lahat ng mga tao. Sa bigas pa lang ‘yun, wala pang ulam ‘yun,” aniya.

Sa halip na lockdown ay calibrated community quarantine na lang ang ipatutupad sa Cavite mula sa May 1 hanggang May 15.

Screenshot ng Facebook post ni Gov. Jonvic Remulla

“Sa aking mga kababayan, pasensya na po kung medyo nalito tayo kahapon. Ang ginawa po natin calibrated na po talaga. Magkasama na ang AFP, PNP at LGU. Ang ginawa namin talagang hinigpitan namin ang quarantine rules sa mga subdivision,” ani Gov. Remulla.

Nasa 169 na ang COVID-19 cases sa probinsya kung saan 23 na ang hindi nakaligtas.

“Ayaw naming umabot ng 200 para ma-control na rin namin ang COVID sa Cavite,” anang gobernador.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Ang CALABARZON, kung saan bahagi ang CAVITE, ay kasama sa mga lugar na ang enhanced community quarantine ay extended hanggang May 15.

Sinabi ni Gov. Remulla na hihilingin niya sa national government na paluwagin ang quarantine measures na ipinatutupad sa mga lugar sa Cavite na wala o isa lang ang COVID-19 case. Kabilang dito ang Tagaytay, Mendez, Amadeo, Indang, Magallanes, Baylen, at Ternate.

Loading…