Cavite governor pikon na sa mga pasaway na Caviteño, humingi ng tulong sa Army na ipatupad ang ECQ

  • Cavite Gov. Jonvic Remulla, napipikon na sa mga Caviteñong patuloy na lumalabag sa ECQ
  • Nakipag-ugnayan na siya sa AFP at DILG upang hilingin na mag-deploy ng mga sundalo sa Cavite para ipatupad ang lockdown
  • Sampung porsyento ng mga Caviteño ang lumalabag sa mga patakaran ng ECQ

Naglabas ng kanyang saloobin ang gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla hinggil sa mga Caviteñong matitigas ang ulo at patuloy na sumusuway sa mga patakaran ng enhanced community quarantine (ECQ) na itinatakda ng pamahalaan upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa Instagram account ni Gov. Jonvic Remulla

Nababahala si Gov. Remulla sa posibilidad na lalong kumalat ang COVID-19 sa Cavite dahil 10% ng populasyon nito ay pasaway.  Aniya, nakakakulo ng dugo ang mga ito dahil posibleng madamay sa katigasan ng ulo nila ang 90% ng mga Caviteño na sumusunod sa ECQ.

“Nakakakulo ng dugo na 90% ay nasunod sa patakaran ngunit may 10% na matigas ang ulo at baka sanhi ng lalong pagkalat ng covid-19. Nakakapikon!” ani Gov. Remulla.

Aniya, kung hindi pa sapat para sa mga matitigas ang ulo ang mga pakiusap at patakarang umiiral ay susubukan naman niyang higpitan ang pagpapatupad ng ECQ sa probinsya.

Isiniwalat ng gobernador na humingi na siya ng tulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año upang mag-deploy ng mga sundalo sa Cavite na magpapatupad ng ECQ.

Screenshot ng pahayag ni Gov. Jonvic Remulla

“Nakiusap na po ako sa ating Provincial Director na tawagin na ang ating mga kaibigan sa AFP na maghanda mag-deploy Ang AFP dito sa Cavite. Ako po ay makikipag-ugnayan kay Sec. Año na gamitin na ang Philippine Army at Reservist para pairalin ang ECQ sa Cavite,” aniya.

Wala umano sa kanyang intensyon ang manakit. Nais lang daw niyang maisalba ang 90% at tumino ang 10% ng populasyon ng Cavite,” paliwanag si Gov. Remulla sa hakbang na ginawa.

Nangako siya na magbibigay ng ulat sa mga Caviteño pagkatapos ng pakikipag-usap sa DILG at AFP.

Imahe mula sa DILG
Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…