“Cobibe”: Balut na nakalimutang kainin, naging ganap na bibe

  • Ibinahagi ng isang netizen ang nangyari sa binili niyang “balut”
  • Hindi niya kasi nailuto at nakain ito dahil naging abala siya sa mga gawaing–bahay
  • Nagulat na lamang siya isang araw na napisa na ang balut at lumabas ang isang bibe na tinawag niyang “Cobibe”

Isa sa mga paboritong “street food” ng mga Pilipino ang pagkain ng balut. Ito ay itlog ng bibe o itik na kadalasang inilalako tuwing gabi, o makikita sa mga kalsada at iba pang panulukan. Kilala ito sa pabirong katawagan na “pampalakas ng tuhod”. Subalit paano kung ang biniling balut na kakainin sana, ngunit nakaligtaan, ay maging ganap na bibe?

Iyan ang kuwento ng isang netizen na nagngangalang “Maria Corina Enriquez Venturanza”, na aminadong mahilig kumain ng balut. Ayon sa kaniyang Facebook post, isang araw ay bumili siya ng isang balut na hilaw. Siya na raw sana ang magluluto nito subalit nakalimutan niyang gawin. Makalipas ang ilang araw, nakarinig siya ng isang ingay sa bandang kusina.

Imahe mula sa Facebook account ni Maria Corina Enriquez Venturanza

Sa pag–aakalang ingay iyon mula bubwit o maliliit na daga, hinanap niya ito, hanggang sa matuklasan niya kung saan nanggagaling ang tunog. Laking gulat niya nang makita ang biniling balut na sira na ang egg shelf, at nakalabas na ang isang maliit na inakay. Nakuhanan pa niya ito ng video.

Inalagaan ng netizen ang naturang inakay, at habang lumalaki, pinangalanan niya itong “Cobibe”, hango sa pinagsamang “COVID–19″ at bibe dahil nangyari ang lahat ng ito sa panahon ng enhanced community quarantine. Ayon sa kaniya, isang simbolo raw si Cobibe na may pag–asa pang makaahon ang lahat mula sa krisis na nararanasan ngayon.

Natuwa naman ang mga netizens at nagbigay sila ng komento hinggil dito.

“Gawin mong inahin at ikaw na ang gumawa ng balot. Suwerte iyang si Cobibe,” mungkahi ng isa.

Sabi naman ng isa, “Ang cute naman… hahaha. Nakakatuwa ang istorya ni Cobibe. I’m sure, may dala–dalang suwerte iyan. Alagaan mo na lang iyan, sis.”

Imahe mula sa Facebook account ni Maria Corina Enriquez Venturanza

Sa Pilipinas, kilala ang munisipalidad ng Pateros sa kanilang industriya ng paggawa ng balut.

Loading…