ConDOLEnces! Netizen ipinagtulos ng kandila ang ayudang P5,000 na hindi pa dumarating

  • May kakaibang ginawa ang isang netizen
  • Ipinagtulos niya ng kandila at inalayan ng pagkain ang ayudang P5,000 ng DOLE
  • Hindi pa raw kasi ito nagpaparamdam na parang kaluluwa

Isa sa mga kaugalian ng mga Pilipino ang pagtutulos o pagtitirik ng kandila para sa kaluluwa ng namayapang mahal sa buhay, gayundin ang pag–aalay ng pagkain dito. May paniniwala kasing gumagala–gala pa ang kaluluwa ng mga ito, at kumakain pa rin ng mga paboritong pagkaing kinasanayan nito.

Kaya naman, isang netizen na nagngangalang “Jellhai Agustin” ang gumawa nito sa ayudang pinansyal o cash assistance na ipinangako ng Department of Labor and Employment o DOLE, na sa kasalukuyan ay “wala pang paramdam” o hindi pa dumarating. Makikita ito sa kaniyang Facebook post na pinusuan ng iba pang mga manggagawang umaasa sa ayudang ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Jellhai Agustin/Public Domain Image

Ayon sa kaniyang caption, “30 days. In loving memory… conDOLEnce!” kalakip ang larawan na nagpapakita ng salitang “DOLE 5K March 23, 2020” na nakasilid sa frame, at sa paligid nito ay nakatirik ang maliliit na kandila, alay na nilagang itlog, mga tinapay, at soft drinks.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens na nakararanas din ng “No Work No Pay” at nangangailangan din ng ayuda.

“Same with our company, they haven’t heard anything from DOLE since they submitted all the documents needed. RIP Financial Aid!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Huwag na tayong umasa, mga parekoy at marekoy, para hindi tayo masaktan sa huli! Hahahaha. RIP 5k!”

“Kulang pa po ang inilagay mo. Sana nilagyan mo po ng sisiw para naman hindi matahimik ang konsensya nila at ibigay na ang nararapat na ayuda, lalo na sa mga nawalan ng pagkakakitaan. Ang saklap no? Hindi na nga qualified sa DSWD dahil hindi naman ‘naghihikahos’, wala pa ring ayuda mula sa DOLE? Saklap, bes!” bulalas naman ng isa.

Matatandaang noong Marso 17, 2020, inihayag ng DOLE na bibigyan nila ng 5,000 peso–cash assistance ang mga manggagawang lubos na naapektuhan ng enhanced community quarantine, batay na rin sa Department Order No. 209 series of 2020. Kinakailangan lamang ipasa ng mga kompanya ang mga kinakailangan requirements upang makuha ito.

Public Domain Image

Sa pagpapalawig ng ECQ hanggang May 15 sa ibang mga lugar na itinuturing pang “high risks”, inaasahan ng marami na hindi pa huli ang lahat para sa ayudang ito, lalo’t ang DSWD ay nakapamigay na ng kanilang ayuda para sa mga kasaping kabilang sa 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program para sa “qualified members” nito.

Loading…