COVID-19 cash aid mula sa pamahalaan, ipinamigay na sa mga taga-Maynila at Parañaque; ibang lugar sa bansa, susunod na

  • Nag-umpisa nang ipamigay ng pamahalaan ang cash aid para sa mahihirap na pamilyang apektado ng ECQ
  • Unang nabigyan ng biyaya ang mga residente ng Maynila at Parañaque
  • Susunod na raw ang iba pang bahagi ng bansa ayon kay CabSec Karlo Nograles

Isa sa mga inaabangan ng maraming Pilipino, lalo na iyong mga walang kita dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), ang ayuda mula sa pamahalaan. Sa isang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga Pilipino noong nakaraang linggo, inihayag nitong may tulong na paparating sa bawat pamilya, katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.

At ngayong linggo nga, agad na sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng cash aid para sa mga naapektuhan ng ECQ bunsod ng C0VID-19. Inihayag ni Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force spokesperson Karlo Nograles na una sa listahan ng DSWD ang mga mahihirap na pamilya mula sa Maynila at Parañaque.

Larawan mula sa PNA

Sa isang pahayag, sinabi ni Nograles na noong Abril 3, Biyernes, ay nag-umpisa na ang DSWD na ang pamimigay sa mga lugar sa Maynila at Parañaque na maraming kapos-palad kabilang ang Tondo at Vitalez-District 1. Bahay-bahay nilang inaabot ang tulong pinansyal sa mga pamilya upang hindi na magkaroon pa ng mahahabang pila sa pagkuha nito.

“We have been informed by the DSWD that the subsidies will be distributed starting today in Manila and Parañaque, and we expect other jurisdictions to be distributing these to their residents in the next few days,” sabi ni Nograles sa isang online press briefing.

Sinabi rin Nograles na sa mga susunod na araw ay nakatakda ring mabigyan na ng ayuda ang mga pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Makakukuha ang mga pamilya ng P5,000 hanggang P8,000 na bahagi ng P200 bilyong pondo ng pamahalaan para sa social amelioration program.

Makatatanggap na rin ng kanilang cash benefit ang mga bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) simula rin sa Abril 3. Ayon kay Nograles, ang cash assistance para sa mga 4Ps beneficiaries ay makatatanggap ng abiso kung mayroon nang laman ang kanilang cards upang maiwasan ang kumpulan sa mga bangko.

Larawan mula sa PNA

“Sa mga benepisyaryo ng 4Ps, ngayong araw din po sisimulang ipasok sa inyong mga card ang benepisyong ito. Uulitin ko ang paalala, maghintay ng anunsyo upang hindi tayo magkumpulan sa mga bangko,” dagdag pa ni Nograles.

Ang C0VID-19 cash aid ay batay sa naging computation ng pamahalaan sa gastos ng isang pamilyang Pilipino ayon sa umiiral na minimum wage sa bawat rehiyon. Bahagi rin ang programang ito ng Republic Act 11469 o Bayanihinan to Heal as One Act.

Loading…