COVID-19 dinaig ng tatlong matatanda sa Navotas

  • Tinalo ng tatlong matatandang pasyente ang COVID-19
  • Isang 81 anyos, 60 anyos at 58 anyos na mga pasyente ang na-discharge mula sa Navotas City Hospital
  • Pinaalalahanan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang mga residente na mahigpit na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga COVID-19 patients

Tatlong matatandang pasyente ang na-discharge sa Navotas City Hospital sa gitna ng palakpakan ng mga health workers matapos nilang daigin ang coronavirus disease at mag-negatibo sa naturang sakit.

Imahe mula kay Navotas City Mayor Toby Tiangco

Matapos ang mahigit dalawang linggo ng pakikipagtunggali sa COVID-19, sinabi ng mga doktor na maayos na ang kundisyon ng 81 anyos na lolo mula sa Barangay San Jose,  60 anyos na lola mula sa Barangay NBBS Kaunlaran, at isang 58-anyos na lalaki mula sa Barangay NBBS Dagat-dagatan.

Kinilala ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang tatlo bilang sina Emiliano Siochi, 81;  Potenciana Descaya, 60, at Elorde Laurente, 58, na ngayon ay nakauwi na sa kani-kanilang tahanan.

“These are our first recoveries at Navotas City Hospital and we are happy to send the patients home. We hope they and their families remain healthy and safe,” Mayor Toby Tiangco.

“Binabati po natin at pinasasalamatan ang lahat ng ating mga health workers at city frontliners. Sigurado akong kasing-saya n’yo ang mga pasyente. Nagbunga na ang inyong pagsisikap at sakripisyo. Makakaasa kayong nasa inyo ang aming buong suporta. Magkakasama tayo sa laban sa COVID-19,” dagdag pa ng alkalde.

Imahe mula kay Navotas City Mayor Toby Tiangco

Sa ngayon ay apat na pasyente na sa Navotas ang gumaling sa COVID-19, kabilang ang naunang pasyente mula sa Barangay San Jose na na-discharge mula sa Fe Del Mundo Medical Center.

Pinaalalahanan ni Mayor Tiangco ang mga residente ng Navotas na mahigpit na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga COVID-19 patients.

Imahe mula kay Navotas City Mayor Toby Tiangco

“Paalala lang po. Mahigpit na pinagbabawal ang diskriminasyon sa mga COVID patients. Multa at kulong po ang parusa dito. ‘Wag po sana natin silang kutyain. Matindi po ang kanilang dinanas. Mas kailangan po nila ang ating maluwag na pagtanggap,” panawagan ng alkalde.

Sa kasalukuyan, ang Navotas ay may 19 COVID-19 cases, 4 recoveries at anim na sinawimpalad.

Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…