COVID-19 patient, sinabing sapilitan siyang pinaalis sa Tagaytay City nang doon mag-quarantine; Tagaytay LGU nagpaliwanag

  • Isang babae ang nagreklamo sa diumano’y diskriminasyong natanggap mula sa Tagaytay LGU nang mag-quarantine siya roon
  • Positibo ang babae sa C0VID-19 at piniling mag-quarantine sa Tagaytay, malayo sa kanyang bahay sa Pasig City
  • Ipinaliwanag naman ng Tagaytay LGU ang kanilang panig sa kontrobersyal na pahayag ng babae 

Isa raw sa pinakamahirap na pinagdaraanan ng isang C0VID-19 patient ay ang diskriminasyong nakukuha nila sa mga nakaaalam na positibo sila sa nasabing karamdaman. Maraming kababayan nila ang pinangingilagan sila at ni hindi man lang gustong maging kapitbahay hangga’t hindi gumaganda ang kanilang kondisyon.

Ganito ang hinaing ng isang ginang na nakaranas diumano ng pangungutya sa mismong mga opisyal ng pamahalaan. Napagpasiyahan daw ni Agnes Reyes na mag-quarantine sa kanilang bahay sa Tagaytay City dahil positibo siya sa C0VID-19 ngunit agad raw siyang pinaalis ng mga awtoridad mula sa nasabing lungsod.

Larawan mula sa PNA

Ayon sa pahayag ni Reyes sa GMA News, bagama’t positibo siya sa unang swab testing niya, ay normal naman daw ang kanyang vital signs kaya naman habang hinihintay ang kanyang ikalawang swab test result mula sa The Medical City, napagpasiyahan niyang manatili muna sa kanilang bahay sa Tagaytay City.

Sa bahay daw nila kasi sa Tagaytay ay makapagpapahinga siya nang maayos ngunit napag-alaman na lamang niyang hinahanap na siya ng LGU ng Tagaytay at mayroon nang post sa Facebook na tungkol sa kanyang kondisyon.

Sinabihan na rin umano si Reyes ng kanyang mga kaopisina na pinahahanap na rin diumano siya ni Mayor Agnes Tolentino na kumakalat na rin sa buong Tagaytay. At noong Abril 12, Easter Sunday, ay pinuntahan na raw si Reyes sa kanyang bahay sa Tagaytay.

Pinuntahan daw siya ng ilang health officers at pulis upang paalisin daw siya sa kanyang bahay agad-agad. Ayaw na rin umano siyang papuntahin sa lungsod ng kanilang health office.

Larawan mula sa PNA

Nagpaliwanag naman ang Tagaytay LGU sa mga naging pahayag ni Reyes.

Ayon sa inilabas nilang statement sa GMA News, dapat daw ay sa wastong health facility pumunta si Reyes at hindi sa isang bahay lang daw dahil positibo siya sa C0VID-19. Dapat din daw ay sa Pasig City ito naglalagi dahil taga-roon ito at hindi rehistradong residente ng Tagaytay at sa kaanak lang nito ang property na tinutuluyan.

Dagdag pa ng Tagaytay LGU, kabilang daw sa highly vulnerable group si Reyes dahil may edad na ito at mayroon pang kanser sa buto. Nakipag-ugnayan din daw ang Tagaytay City sa Department of Health (DOH) at napag-alamang positibo rin umano ang swab test ni Reyes sa ikalawang pagkakataon.

Loading…