COVID-19 survivor ‘di agad na-discharge matapos hingian ng collateral sa bill na umabot sa P380k

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube
  • Palabas na sana ng ospital ang isang COVID-19 survivor sa Santa Rosa, Laguna ngunit hinihingian siya ng collateral hanggang sa mabayaran ng PhilHealth ang kaniyang bill
  • Umabot sa halos P380,000 ang kaniyang bayarin na sasagutin ng PhilHealth
  • Sa huli ay pinayagan naman siyang makalabas at pinapirma na lamang ng promissory note

Inakala ng isang lalaki sa Sta. Rosa, Laguna na makahihinga na siya nang maluwag matapos siyang maka-recover mula sa COVID-19. Ngunit nang palabas na mula sa ospital ay hinihingian umano siya ng collateral hanggang sa bayaran ng PhilHealth ang kaniyang bill.

Imahe mula sa PNA

Matatandaang inanunsyo ng PhilHealth na sasagutin nila ang hospital bill ng COVID-19 patients hanggang April 14.

Ngunit ayon sa Billing Section ng ospital ay kakailanganin nila ng collateral habang hindi pa nababayaran ng PhilHealth ang bill ng lalaki na umabot sa P378,749.47.

“May ruling daw ang ospital na kapag ganiyan, kailangan magprenda ng land title o yung sasakyan ko, iwan ko raw muna doon hanggang mabayaran sila ng PhilHealth,” saad ng lalaki.

Humingi siya ng tulong kay Sta. Rosa Mayor Arlene Arcillas na nakipag-ugnayan sa ospital. “Wala pa kasing guidelines na ibinababa ‘yung Philhealth. Sabi ko I will vouch for the patient,” sabi niya sa panayam sa ABS-CBN News.

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube

Paliwanag naman ng PhilHealth, maaari nilang sitahin ang mga humihingi ng collateral sa mga pasyente dahil may performance commitment sila.

“Yung isa doon is that they will follow the PhilHealth policy. So if there is anything patients want to complain about, they can always file a complaint with us and we will look into it,” ayon kay Corporate Affairs Group Vice President Dr. Shirley Domingo.

Sa huli ay na-discharge naman ang lalaki kahit walang collateral at pinapirma na lamang ng promissory note.

Simula petsa April 15, mula P43,997 – P786,384 na lamang ang sasagutin ng PhilHealth, depende sa lagay ng pasyente. Maaari pa rin namang humingi ng karagdagang tulong sa kanila.

Source :

YouTube

Loading…