Dalawang guro, piniling dumalo sa isang webinar habang nasa damuhan para sa malakas na signal at tahimik na paligid

  • Trending ang dalawang guro dahil sa kanilang dedikasyong dumalo sa webinar sa kabila ng mahinang signal sa kanila
  • Nagtiyaga ang dalawang guro na manatili sa isang damuhan kung saan maayos ang signal at mas tahimik
  • Patunay daw ang dalawa na walang kapantay ang sakripisyo ng isang guro upang mas maging mabuting guro sa kanilang mga mag-aaral

Ngayong naka-enhanced community quarantine (ECQ) ang iba’t ibang lugar sa bansa dahil sa banta ng C0VID-19, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino upang maging produktibo pa rin habang nasa kanilang tahanan. Ang ilan ay mas pinili pa ring pagyabungin ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng pagdalo sa mga online seminars o webinar.

Maraming institusyon ngayon ang nag-aalok ng libreng webinar para sa mga Pilipino. Ang isang publishing house ay piniling magbigay ng free online courses para sa mga guro. At dahil walang klase, maraming ma’am at sir ang abala at seryoso sa pagdalo nila sa mga seminar na ito online.

Larawan mula sa Facebook post ni Hazel Velayo

Ngunit hindi pare-pareho ang lakas ng signal sa iba’t ibang panig ng Pilipinas kaya naman pahirapan para sa ilan ang makadalo sa mga webinar. Pero para sa isang taong nais matuto, diskarte lang ang kailangan upang maipagpatuloy ang naisin. Ganito ang diwa ng Facebook post ng isang netizen tungkol sa dalawang guro.

Makikita sa in-upload na larawan ni Hazel Velayo ang dalawang lalaking guro na mas piniling manatili sa damuhan upang makasagap daw ng maayos na signal. Hawak ang kanilang mobile devices at mga notebook, matiyagang nakikinig ang dalawa sa webinar na handog ng Vibal Group, Inc.

Ayon sa uploader, ang dalawang guro daw ay sina Karl Mervin Balderas at Kevin Balderas. Marami ang humanga sa dalawa dahil sa dedikasyong ipinakikita ng dalawa upang mas mapaunlad pa ang kanilang husay sa pagtuturo.

Larawan mula sa Pexels

“Grabe po… Sobrang laki po ng pus0 nila para sa pagtuturo,” pahayag ng isang netizen na naantig sa pagtitiyagang ipinakita ng dalawang guro na gumawa talaga ng paraan upang matuto sa kabila ng umiiral na quarantine.

Dagdag pa ng ilang netizen, patunay daw ang mga guro na ito na napakadakila nilang propesyon. Kaya naman hamon sa mga mag-aaral na tumbasan ang sakripisyong ito ng mga guro sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti.

Loading…