DepEd, may tips kung paano malalabanan ang “Cabin Fever” sa panahon ng ECQ

  • May pitong tips na ibinigay ang Department of Education sa mga mag–aaral  upang malunasan ang “cabin fever”
  • Ito ay ang pag–inom ng vitamins, pagsagap ng silahis ng araw sa umaga, pag–ehersisyo, pagbabasa o pag–aaral, paglimita sa mga pagkaing mayaman sa carbohydrates at sugar, pakikipag–usap sa iba, at pananalangin
  • Ang cabin fever ay maaaring maranasan ng sinumang naka–isolate sa isang lugar sa isang mahabang panahon

Sa halos isang buwang pananatili ng mga mag–aaral sa kani–kanilang mga tahanan kaugnay ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon at iba pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao, marami na ang nakakaramdam ng pagkainip o tinatawag na “cabin fever”.

Kaya naman, naglabas ang Department of Education o DepEd ng ilang mga tips kung paano masusugpo ang cabin fever, na ibinahagi nila sa kanilang opisyal na Facebook page. May pitong tips silang ibinigay na kahit sino ay maaaring gawin upang hindi mainip sa loob ng kanilang bahay.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd/Public Domain Image

“Naranasan mo na rin bang mairita, mainip, maging antukin, o hindi mapakali ngayong nasa loob ka lang ng bahay? Hindi ka nag-iisa, bes! Likas sa kaugalian at kultura nating mga Pilipino ang lumabas, anomang uri ng panahon. Kaya narito ang ilang tips upang hindi makaramdam ng ‘cabin fever’ habang may enhanced community quarantine,” ayon sa caption ng post.

Una na riyan, uminom daw ng vitamins dahil ang malusog na katawan ay magdudulot ng malusog na isipan. Pangalawa, huwag magkulong sa kuwarto nang buong panahon. Tuwing umaga, maaaring saglit na lumabas sa bakuran, o tumapat sa bintanang nasisinagan ng pang–umagang silahis ng araw. Magdudulot daw ito ng “happy hormones” at makapagbibigay pa ng vitamin D sa balat.

Pangatlo, itigil daw muna ang maghapong pag–upo o panonood sa Netflix at simulang mag–inat–inat, magpapawis, at mag–ehersisyo. Pang–apat, magbabasa–basa ng mga aklat at iba pang mga babasahin upang ma–stimulate ang brain cells dahil kailangan ito upang mahasa pang lalo ang isipan.

Panlima, limitahan umano ang pagkain ng matataba at matatamis na pagkain. Huwag masyadong kumain ng mga pagkaing mayaman sa carbohydrates at sugar upang maiwasan ang “paglobo”. Pang–anim, makipag–usap sa mga kapamilyang kasa–kasama sa bahay, o sa mga kaibigan, kaklase, at mga kakilala sa pamamagitan ng social media subalit huwag namang bumabad dito.

Public Domain Image

At panghuli at pampito na pinakamahalaga sa lahat, manalangin. Ipagdasal ang kaligtasan ng lahat, ng mga health care workers, ng mga frontliners, ng mga pasyente at kani–kanilang mga pamilya, at maging ang pansariling panalangin para sa iyong sariling mga kaanak. Higit sa lahat, ipanalangin na tuluyan nang mawala ang virus upang matapos at bumalik na sa normal ang lahat.

Ayon sa mga eksperto, ang “cabin fever” ay tumutukoy sa “distressing claustrophobic irritability or restlessness experienced when a person, or group, is stuck at an isolated location or in confined quarters for an extended period of time.”

Loading…