‘Di pa nakatanggap ng ayuda: Airport service workers humihingi ng tulong sa pamahalaan

  • Nanawagan ang isang airport worker na sana ay bigyan din sila ng pansin ng pamahalaan
  • Sabi ni Marvic Matias, marami pa rin daw bumababang pasahero na Pinoy galing ibang bansa at sila ang humaharap
  • Sa kabila umano nito, wala pa silang natatanggap na ayuda

Nananawagan ang isang airport worker na sana’y mabigyan din sila ng ayuda mula sa pamahalaan dahil sa mga sakripisyong kanilang inilalaan para mapanatiling ligtas ang ating mga kababayan.

Image by Marvic Matias via Facebook

Sabi ni Marvic Matias sa Facebook, “Bakit kaming nagtatrabaho sa airport, hindi ba kami frontliner? Frontliner din kami, marami pa rin bumababang pasahero na mga Pinoy galing sa ibang bansa at kami ang humaharap. Pero walang ayuda sa amin.”

Dagdag niya, hindi na rin daw nila mawari kung baka pati na nga sila ay mayroong COVID-19.

Tanging dasal na lamang daw ang kanilang kinakapitan para hindi sila dapuan ng karamdaman, at para muling makapiling ang pamilya.

Kapag sinasabing frontliners, kalimitang mga indibidwal na nasa propesyong medikal ang ating naiisip, gaya ng doktor at nars.

Maliban sa kanila, matatawag ding mga frontliner ang mga kababayan nating patuloy na nagseserbisyo para magbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan kagaya ng pagkain sa kabila ng pandemic.

Batay sa GMA News, frontliners din ang mga kahera, grocery bagger, nagtatrabaho sa gasolinahan, at drayber ng food delivery service.

Tumutukoy ang airport service worker, ayon sa Vault, sa mga manggagawang may katungkulan sa mga paliparan. Karamihan dito ay direktang nakakasalamuha ang mga kliyente habang ang iba ay nasa behind-the-scenes kagaya ng pagpapanatili sa kalinisan ng lugar.

Marami ang naawa sa kalagayan ng mga airport worker. Mayroon nang higit 2,600 reaksyon at nasa 2,200 pagbabahagi ang update ni Marvic habang ipino-post ito.

Image by Marvic Matias via Facebook

Sabi ng isa, “True. Kawawa naman ‘yung mga worker d’yan. Sana malampasan nila ang mga pagsubok.”

Komento pa ng isa, “Mag-pray na lang po tayo na sana ay mapansin din tayo. Sa mga kasamahan namin na nagtatrabaho sa airport, ‘wag po tayo mawalan ng pag-asa baka hindi pa tayo napapansin dahil sa dami ng nangangailangan. ‘Wag po mawalan ng pag-asa.”

Image by Marvic Matias via Facebook

Loading…