Dialysis patient na naka-wheelchair mano-manong itinutulak ng asawa sa distansyang anim na kilometro

  • Isang dialysis patient na naka-wheelchair ang matiyagang itinutulak ng asawa patungo sa dialysis center na may layong anim na kilometro
  • Tatlong beses sa loob ng isang linggo silang nagtutungo sa dialysis center
  • Nang malaman ang sitwasyon ng pasyente ay nangako ang Barangay officials na ihahatid ito sa pagamutan tuwing kailangang magtungo roon

Walang masakyan dahil suspendido ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine, napilitan ang isang lalaki na itulak mula sa kanilang tahanan patungo sa dialysis center ang asawang hirap nang makalakad dahil sa karamdaman.

Screenshot mula sa video ng DZMM

Tatlong beses sa isang linggo na nagtutungo ang mag-asawa sa  Eagle Rock Dialysis & Wellness Center Inc. na nasa Fairview – anim na kilometro ang layo mula sa bahay ng pasyente sa Batasan Hills sa Quezon City.

Nakilala ang pasyente bilang si Loida Fernandez, 54 anyos. Aniya, maaga silang gumigising upang makarating sila sa dialysis center na nagbubukas ng alas-siyete ng umaga.

“Three times a week,” sagot ng ginang nang tanungin kung ilang beses sila nagtutungo sa dialysis center.

“Mula sa amin hanggang doon. Dun sa Batasan hanggang dun sa Fairview, sa dialysis center. Kailan pa to hiniram nga lang namin to (wheelchair),” ani Ginang Fernandez.

Nagkaroon na rin daw ng sira ang wheelchair na hiniram lang nila. Ayon sa lalaki, sana raw ay magkaroon ng libreng shuttle service para sa mga pasyenteng tulad ng kanyang asawa upang maihatid sa mga dialysis center.

Nagmagandang-loob naman ang Radyo Patrol ng DZMM na tulungan ang mag-asawa. Inilapit nila ang sitwasyon nito sa mga barangay officials ng Barangay Batasan Hills.

Screenshot mula sa video ng DZMM

Nangako naman ang mga opisyal ng nabanggit na barangay na tutulungan nila ang mag-asawa…na ihahatid nila ang pasyente sa tuwing kailangan niyang magtungo sa dialysis center.

Nanawagan na rin ang mga barangay officials sa iba pang pasyenteng naninirahan sa barangay na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang tanggapan at ihahatid sila sa kani-kanilang ospital sa Metro Manila.

Screenshot mula sa video ng DZMM
Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…