Diskarte sa tag-init: Tricycle ginawang bath tub ng isang pamilya sa Ilocos Norte

Imahe mula sa GMA News | Neo Stormrider
  • Kaniya-kaniyang diskarte ngayon ang mga Pilipino upang matuloy ang mga outing na naudlot ngayong summer dahil sa umiiral na enhanced community quarantine
  • Ang isang pamilya sa Marcos, Ilocos Norte, ginawang improvised bath tub ang kanilang tricycle para maibsan ang init ng panahon
  • Nilagyan nila ng lona ang side car ng tricycle bago ito pinuno ng tubig upang magsilbing bath tub ng mga chikiting

Cancelled man ang mga outing kasama ang mga chikiting dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) ngayon sa ilang mga probinsya ay hindi napigilan ang mga Pilipino na gumawa ng kaniya-kaniyang diskarte upang maibsan ang init ng panahon.

Imahe mula sa GMA News | Neo Stormrider

Isang pamilya sa Marcos, Ilocos Norte ang nakaisip ng paraan upang makapagbabad sa tubig  — nilagyan nila ng lona ang side car ng kanilang tricycle at saka ito pinuno ng tubig upang maging improvised bath tub. May hose din silang ginamit upang magsilbi nilang shower.

Ayon sa ulat ng GMA News, ginawa nila ito dahil hindi sila makalabas upang maligo sa ilog.

Komento ng mga netizen, wala talagang tatalo sa pagiging innovative ng mga Pinoy lalo na sa mga panahong ito.

Imahe mula sa YouTube | GMA News

“Ang taba ng utak. Diskarte na lang talaga muna ngayon. Bawi na lang tayo sa outing pag natapos ang COVID. Sa ngayon, mas mahalaga na nasa bahay at ligtas ang pamilya,” ani Kath S.

Biro naman ni Renz T., “‘Wag umihi diyan ha.”

Isa lamang ito sa naging diskarte ng mga Pilipino upang ma-beat ang init ngayong summer.  May ilan na inilabas na ang mga nakatagong inflatable pool upang makapagtampisaw ang pamilya.

No pool, no problem naman para sa iba na nagkakasya na rin sa paggamit ng batya.

Sa Bataan naman, isang ama ang matiyagang gumawa ng sarili nilang pool na may sukat na 8.5 x 8.5 x 3 ft. sa loob ng isang linggo. Sa kabuuan ay gumastos sila ng P10,000 upang matuloy ang birthday celebration ng mga bata sa kanilang bahay.

Iba talaga ang diskarteng Pinoy! Panoorin dito ang video:

Source :

YouTube, GMA News

Loading…