Dog lover muntik nang bawian ng isang sakong bigas na bigay ng Gapan LGU dahil sa social media post

  • Dahil sa social media post ay muntik nang bawiin ng mayor ang isang sakong bigas na ibinigay sa isang lalaking naninirahan sa Gapan
  • Sinabi ng lalaki na may bigas na ang mga aso niya matapos matanggap ang ayuda mula sa city government
  • Nagpaliwanag naman ang lalaki kaya hindi na binawi ni Mayor Emeng Pascual ang bigas

Galit na galit ang libo-libong residente ng Gapan  City, Nueva Ecija sa isang lalaki na nakatanggap ng isang sakong bigas mula kay Mayor Emeng Pascual dahil sa post nito sa social media.

Screenshot mula sa video ni Mayor Emeng Pascual

Sa isang video, sinabi ni Mayor Pascual na maging siya ay nakaramdam ng galit nang mabasa niya ang post ng lalaki na kinilala niyang si Jonathan Romo na nangungupahan ng bahay sa Barangay Mangino sa Gapan, subalit lehitimong residente ng Barangay Tambo sa bayan ng San Isidro.

Nabasa umano ni Mayor Emeng ang post ni Jonathan na nagsabing “Dumating na ang isang bultong bigas. Hindi na magugutom ang mga aso ko. Salamat mayor may bigas na ang mga aso ko.”

Ni-repost umano ng alkalde ang post ni Jonathan at sa loob lang daw ng tatlong oras ay umabot sa limang libong Gapan netizens ang galit na nag-comment laban kay Jonathan.

Agad umanong ipinahanap ni Mayor Emeng Pascual ang lalaki upang bawiin na lang ang isang sako ng bigas na natanggap nito dahil ang bigas ay ipinamahagi para sa mga tao na apektado ng ipinatutupad na enhanced community quarantine at hindi para sa aso.

Screenshot ng post ni Jonathan Romo

Sa tulong ng kapitan ng Barangay Mangino ay agad namang natunton si Jonathan. Nagpasama si Jonathan sa kapitan upang magpaliwanag kay mayor.

Paliwanag niya, isa siyang dog lover. Mag-isa lang umano siyang nangungupahan sa Barangay Mangino at ang tanging kasama niya sa bahay ay ang mga alagang aso. Humingi siya ng pasensya sa mga netizens kung hindi maganda ang naging dating ng post niya tungkol sa bigas.

Sabi ni Mayor, nagsagawa siya ng background check kay Jonathan at napatunayan niyang marami nga itong alagang aso at mag-isang nagungupahan sa nabanggit na barangay.

Hindi na binawi ng alkalde ang isang sakong bigas na ibinigay kay Jonathan at nanawagan din siya sa mga residente ng Gapan na huwag nang magalit sa lalaki.

Screenshot ng post ni Jonathan Romo

Loading…