Doktor ibinahagi ang kaniyang kuwentong “from rugs to riches” kahit wala pang 4P’s

  • Ibinahagi ng isang doktor ang kaniyang kuwentong “from rugs to riches”
  • Nagsumikap siya dahil na rin sa pagsuporta ng kaniyang mga magulang at pansariling kagustuhang maiahon ang sarili at pamilya mula sa kahirapan
  • Iginiit din niyang wala pang 4P’s noong mga panahong iyon

“Hindi kasalanan ang ipanganak na mahirap. Ang kasalanan ay ang manatiling mahirap.”

Iyan umano ang mga salitang kinalakhan ng isang doktor na nagngangalang “Erdie C. Fadreguilan, MD” na nagbahagi ng kaniyang kuwentong “from rugs to riches” sa isang Facebook post, kaugnay ng isyu ngayon sa iba’t ibang estado ng tao batay sa aspetong pangkabuhayan at pang–eknonomiya.

Imahe mula sa Facebook account ni Erdie Fadreguilan

Salaysay niya, “Nagtitinda ng tsinelas sa public market ang mga magulang ko. Parehong hindi nakatapos sa pag-aaral kasi kailangang magtrabaho sa murang edad. Tatlo lang kaming magkakapatid na malalayo ang agwat ng edad dahil alam ng mga magulang ko na hindi nila kayang magpalaki at magpaaral ng maraming anak.”

“Laking lola” umano ang doktor dahil laging maagang umaalis ang kaniyang mga magulang upang bumili ng mga paninda sa Baclaran. Walang day off, weekends, at holidays. Bihira lamang silang magkasabay–sabay kumain, at kung mangyar man, iyon ay dahil sa ang isa sa kanila ay may sakit at kailangang manatili sa bahay.

May kakaibang ginagawa ang doktor na ito kapag siya ay nalulungkot noon. “Sa maliit na bahay na itinayo sa lupa ng mga lolo ko sa father side kami halos nagkaisip kasama ng mga tsinelas na galing sa Baclaran. Hanggang ngayon, kapag nalulungkot ako, inaamoy ko yung leather ko na wallet. Doon ako nakakaramdam ng comfort.”

Sa pampublikong paaralan nag–aral ang mga magkakapatid. Kahit hirap sa buhay, iginapang sila ng kanilang mga magulang. Wala silang ibang damit, bukod sa ilang piraso ng kanilang uniporme, na ginagamit na rin nilang pang–alis. Wala silang ekstrang perang pambili ng bagong damit. Wala pa raw kasing 4P’s noon.

Public Domain Image

Malapit nang matapos sa high school ang doktor nang masunog ang palengkeng pinagtitindahan ng kaniyang mga magulang. Literal daw na balik naman sila sa wala. Hindi na raw niya alam kung ilang kilong talbos ng kamote ang inulam nila. Bagama’t sanay ang mga magulang niyang mag-ulam ng tubig na may asin o kape sa kanin, hindi raw ito ipinaranas sa kanila.

Kahit hirap sa buhay, sa UST o University of Santo Tomas siya pinag–aral ng kolehiyo kung saan natanggap siya bilang iskolar. Naranasan niya umanong mangutang ng pamasahe makauwi lamang, at magtago sa mga kaklase habang nag-aaral dahil segunda mano, o lumang-luma na ang mga aklat na ginagamit niya. Natapos niya ang unang kurso na BSPT o Bachelor of Science in Physical Therapy na may karangalang “Cum Lause” noong 1991. Muli, wala pa raw 4P’s noon.

Muli siyang nag–aral ng kursong Medisina, at noon ay nagagamit na niya ang pinag–aralan sa unang kurso upang tumanggap ng mga “house call” sa pagte–therapy. Buti na lamang daw at maraming nagtiwala. Ang kita niya rito ang ginamit niya upang mapaaral ang sarili at makatulong sa mga kapatid na nagsisipag–aral din, gayundin sa kaniyang mga magulang. Na-maintain niya ang pagiging iskolar.

“After 4 years ulit ng puyat at pagtitiyaga, nakatapos ako ng Medicine – Magna cum laude batch 1995. Kaya noong graduation, ‘di ko napigilang umiyak during my valedictory address. Pasensya na sa mga pinaiyak ko noon,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Erdie Fadreguilan

Dagdag pa niya, “With God’s grace, the rest is history as they say. Ngayon mas naiintindihan ko kung bakit nila sinasabi na hindi kasalanang ipanganak na mahirap pero kasalanang manatiling mahirap.”

Minsan pang pinatunayan ni Dok Erdie na walang imposible kung maniniwala sa mga pangarap sa buhay, at sasamahan pa ng dasal, sikap, tiyaga, tiwala sa sarili, at tamang diskarte.

Loading…