Doktor, idinikit sa katawan ang larawang nagpapakita ng nakangiti niyang mukha

  • Nagdikit ng larawan na nagpapakita ng mukha niyang nakangiti ang isang doktor sa isang ospital sa Maynila
  • Lahat daw silang healthcare workers sa naturang ospital ay gumagawa nito upang makatulong na makilala ang isa’t isa lalo’t galing sila sa iba’t ibang departamento
  • Layunin din nilang mapangiti ang kanilang mga pasyente upang maibsan ang nararamdamang pangamba at ligalig sa kasalukuyang sitwasyon

Itinuturing na mga makabagong bayani ngayon ang mga healthcare workers na sinusuong ang panganib na dala ng COVID–19 magampanan lamang ang tawag ng kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan na gamutin at lunasan ang mga iniindang karamdaman, lalo pa’t hindi ito basta isang ordinaryong sakit lamang kundi pandemya.

Sa kabila ng pagiging seryoso ng kanilang tungkulin, marami sa kanila ang nagagawa pang magpasaya at magpangiti ng kanilang mga pasyente at iba pang mga tao upang kahit paano’y maibsan ang nararamdamang pangamba at ligalig sa kasalukuyang sitwasyon. Gaya na lamang ng isang doktor sa isang ospital sa Maynila na si Dr. Jonnel “Jow” Poblete na makikita sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Dr. Jonnel Poblete

Dahil balot ang kaniyang katawan at mukha ng personal protective equipment o PPE, naglagay ng nakaimprenta niyang larawan sa bond paper si Dr. Poblete sa harapan ng kaniyang katawan.

“Baka sakaling makatulong sa inyong mabilis na paggaling kung nakikita n’yo po kaming nakangiti (COVID Ward, April 2020),” saad ng doktor.

Lahat daw silang health care workers na naka-duty sa COVID–19 ward ay may nakalagay na larawan nila sa kanilang PPE upang makatulong na makilala ang isa’t isa lalo’t galing sila sa iba’t ibang departamento sa ospital. Nagbibigay– ngiti rin ito para sa kanilang mga pasyente na kanilang inaalagaan at pinagagaling.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ang guwapo naman ng doktor na iyan! Hahaha. Kung ako ang pasyente, talagang mai–inspire ako magpagaling kung ang bubungad sa akin ay nakangiting doktor. Good job!” papuri ng isa.

Turan naman ng isa, “Our thoughts and prayers for you! God bless and keep all of you healthy and strong and shielded from any harm.”

“Good idea, it helps patients smile at their peak of suffering. Salute to our medical frontliners. God bless and protect you!” sabi ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Dr. Jonnel Poblete

Kudos sa lahat ng mga healthcare workers at frontliners na gumagawa ng “extra mile” sa kanilang mga tungkulin!

Loading…