Doktora, ibinahagi ang “blissful encounter” sa isang frontliner sa checkpoint

  • Umantig sa damdamin ng mga netizens ang “blissful encounter” ng isang doktora at sundalo sa isang checkpoint sa Davao City
  • Nagkataon kasing ang doktora ay siyang nagpaanak sa buntis na misis ng isa sa mga sundalong nakatalaga sa naturang checkpoint
  • Sinagot ng doktora ang hospital bills sa panganganak ng misis ng naturang sundalo bilang tulong na raw sa kaniya

Ang mga healthcare workers at mga sundalong nasa mga checkpoints sa bawat border ay itinuturing na mga frontliners, mga bayani ng kasalukuyan, lalo na sa pagsugpo ng COVID19. Kapag nagtagpo ang dalawa, tiyak na may “blissful encounter” dahil pareho lamang sila ng layunin: ang makapaglingkod sa bayan.

Isinalaysay ng isang OB gyne ang kaniyang “blissful encounter” sa mga frontliners na sundalo na kaniyang nakaengkwentro sa checkpoint na naganap sa Davao City, na ibinahagi naman sa Facebook post ni “Monching Lumantas”. Ang pangalan ng naturang OB gyne o espesyalista para sa mga buntis ay si Dra. Imelda Macayra Ibarreta.

Imahe mula sa Facebook account ni Monching Lumantas/Public Domain Image

Ayon sa post, pauwi na raw ang doktora nang mga bandang 10:00 ng gabi mula sa duty nang harangin at pahintuin  sila ng mga sundalo sa checkpoint bilang bahagi ng kanilang protocol sa pagsisiyasat ng mga naglalabas–masok sa mga kalsada, sa kabila ng ipinatutupad na curfew hours.

Magalang na tinanong daw ng isang sundalo ang doktora kung saan ito galing at ginabi siya. Maayos namang sumagot ang doktora na galing siya sa ospital, at pauwi na siya. Nang binanggit ng doktora ang pangalan ng pinaglilingkurang ospital, tila pamilyar umano ito sa sundalo at sinabing doon daw na–admit ang kaniyang asawang manganganak nang mga sandaling iyon.

Tinanong ng doktora ang sundalo kung ano ang kaniyang apelyido. Nang banggitin ito ng sundalo, agad na sinabi ng doktora na siya ang nag–asikaso sa asawa nito, na nanganak na. Tinanong ng doktora kung hindi pa magpa-paternity leave ang sundalo.

Sumagot itong hindi raw at ubos na ang kaniyang leave at sayang naman ang kaniyang susuwelduhin, pandagdag sa budget para sa kaniyang misis at bagong silang na sanggol.

Nang marinig ito ng doktora, nabagbag ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa sundalo na wala na itong kailangang bayaran sa ospital dahil sasagutin na niya ang mga bills.

“Ay hindi po, nakakahiya po, sobra na po iyon,” sabi umano ng sundalo.

Tugon ng doktora, “Bakit, ako nga hindi nahiya sa iyo, nagsilbi ka sa bayan.”

Public Domain Image

Pagkaraan, tinawag ng sundalo ang kaniyang mga kasamahan at ipinakilala ang doktora sa kanila, na sinusunod pa rin ang social distancing. Ipinagmalaki rin niya na nakapanganak na ang kaniyang misis, Tuwang–tuwa naman ang mga kasamahan ng sundalo para sa kaniya.

Tinanong ng doktora kung mayroon at kung anong pagkain nila para sa midnight snacks. Tinapay raw, sabi nila. Kaya naman, ibinigay na lamang ng doktora ang regalo sa kaniyang imported coffee ng isang kaibigan upang panulak nila. Sa labis na katuwaan ng mga sundalo, kinantahan nila ng “Happy Birthday” ang doktora, kahit matagal na ang kaarawan nito.

“I was enthralled by their singing. Oh…WHAT A NIGHT!! A blissful encounter!” saad ng doktora.

Umani naman ito ng magagandang komento at reaksyon mula sa mga netizens.

“Tears falling down my eyes whilst reading this. A heart warming encounter. God is using people all around to be a blessing into our lives and for us to be a blessing to them. That wasn’t a coincidence, that was God’s power who brought these 2 individuals (frontliners ) together to show that God loves all of us no matter what the situation we are all in,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Touching! Thanks Doctor Imelda. Kudos to men in uniform! We are all humans.”

Kudos po sa doktorang may mabuting kalooban at sa mga “men in uniform” na tinitiyak na nasa maayos na kalagayan ang lahat! Lahat po kayo ay mga makabagong bayani ng ating panahon!

Loading…