Drive–thru store ng “Starbucks” sa QC dinagsa; muling nagsara upang makasunod sa ECQ

  • Dinagsa ng mga customers ang drive–thru store ng Starbucks sa West Avenue, Quezon City
  • Halos lagpas 1 kilometro raw ang haba ng naging pila ng mga kotse
  • Pagkatapos ng araw na iyon, pansamantalang isinara ng kompanya ang kanilang mga drive–thru stores bilang suporta sa enhanced community quarantine

Bukod sa pagkain, mapatutunayang mahilig sa pagkakape ang mga Pilipino, patunay na laging matao at punumpuno ng customers ang mga coffee shops na matatagpuan sa mga malls at iba pang mga gusali. Maliban sa pag–inom ng kape, nagiging tambayan din ang mga coffee shops para sa kuwentuhan ng mga magkakatropa, magkakatrabaho, o maging sa mga business meeting at business presentations. Isa sa mga sikat at tinatangkilik na coffee shops sa Pilipinas ang “Starbucks”.

Dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine, tigil din muna ang pagtambay sa mga coffee shops. Marami tuloy ang nakaka–miss sa ambience at syempre, sa mga kape at beverages na itinitinda ng SB. Pinatunayan iyan ng Facebook post ng netizen na si “Rhys Buccat” noong Abril kung saan makikita ang dagsang mga “middle–class customers” sa isang drive–thru store ng Starbucks sa West Avenue, Quezon City.

Imahe mula sa Facebook account ni Rhys Buccat

Ayon sa kaniyang caption, “Starbucks PH opens select ‘drive-thru’ stores. The response of the country’s middle class? Over 1-KM queue of cars.” Kalakip ng post ang mga larawang nagpapakita ng mga nakapilang kotse. Lumagpas umano sa 1 kilometro ang pila.

Iba–iba naman ang naging reaksyon at komento rito ng mga netizens.

“Mayaman VS COVID–19: ECQ is life, but Starbucks is lifer hahaha,” pabirong turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Marami nagsa–sacrifice na hindi lumalabas ng bahay dahil sa ECQ pero kayo dahil lang sa Starbucks?! Hindi naman essential ngayong panahon ng crisis ‘yan eh.”

“Wala namang problema diyan ah, basta may social distancing pa rin at sinusunod nila ang rules ng lockdown. Mas malaking problema ang mga inggitero at mga talangka. Baka nga yung iba diyan mga nag–donate pa sa mga tao at kailangan lang nila mag–refresh,” depensa naman ng isa.

Samantala, pagkatapos ng araw na iyon ay naglabas naman ng opisyal na pahayag ang kompanya na nagsasaad na pansamantala muna nilang isasara ang mga drive-thru stores nila dahil sa pagdagsa ng mga customers at bilang pagtalima na rin sa enhanced community quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan kontra COVID–19.

Public Domain Image

Loading…