Eat Bulaga host na si Joey de Leon, nagbirong ang “Dubredo” na raw ang bagong phenomenal love team na Aldub

  • Dahil sa pagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte kay VP Leni Robredo, maraming netizens ang ginawan sila ng tambalan
  • Isa sa mga nagbiro ay ang TV host at komedyante na si Joey de Leon
  • Sinabi nito na ang “Dubredo” na raw ang bagong “Aldub”

Nabalot ng kontrobersya ang panayam ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Manuelito Luna na nais niya raw paimbestigahan si Vice President Leni Robredo dahil sa umano’y pakikipagkompetensiya nito sa pamahalaan sa relief operations para sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Ngunit sa late night speech ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinagtanggol nito ang kanyang bise sa mga ginagawa nitong programa para makagaan sa mga frontliners. Kahit na madalas na magkabangga ang mga opinyon at nasa magkabilang partido, pumanig ang pangulo kay Robredo at iniutos pa ang pagkakasibak ni Luna sa puwesto.

Larawan mula sa Twitter account ni Leni Robredo

Dahil dito, tila nabura ang dingding na humaharang sa magkabilang partido. Maraming netizens din ang tila ginawa nang l0ve team ang pangulo at ang VP. Isa sa mga sumusuporta sa ‘bagong tambalang’ ito ay ang komedyante at TV host na si Joey de Leon.

Sinakyan ni Joey ang biruan ngayon sa social media na pagpapares kina Duterte at Robredo. Tinawag nila ang ‘tambalan’ ng dalawa bilang “Dubredo,” hango sa pinagsama nilang apelyido. Dahil dito, sinabi ni Joey sa kanyang Instagram post na sina Duterte at Robredo na raw ang bagong phenomenal l0ve team tulad ng tambalang nabuo sa Eat Bulaga na “Aldub” o ang tambalan nina Alden Richards at Maine ‘Yaya Dub’ Mendoza.

“There’s a new ALDUB! Tamang-tama sa panahon ngayon! #DUBREDO! Peace,” sabi ng Henyo Master ng Eat Bulaga na si Joey sa kanyang post.

Agad namang umani ng maraming likes ang post ni Joey at maraming netizens ang na-good vibes sa kanyang post. Ayon sa kanila, sa panahon ngayon ay dapat nagkakaisa ang buong bansa upang matagumpay na mapuksa ang C0VID-19.

Larawan mula sa Eat Bulaga

Sari-saring memes na rin sa social media ang lumalabas tungkol kina Duterte at Robredo at sa kanilang nabuong tambalan na naghahatid ngayon ng good vibes sa mga ‘Dilawan’ man o mga ‘DDS.’

Matatandaang noong 2015 ay sumikat nang husto ang tambalan nina Alden at Maine na nag-umpisa sa Kalyeserye segment ng Eat Bulaga. Gumawa rin ng Guinness World Record ang kanilang tambalan bilang most tweeted topic sa Twitter na umabot ng 41 milyong tweets sa loob ng isang araw.

Loading…