Ethel Booba, itinangging kaniya ang Twitter account na madalas mag-trend

Imahe mula sa Instagram | Ethel Booba
  • Hindi umano si Ethel Booba ang humahawak sa Twitter account na @IAmEthylGabison na may mahigit isang milyon nang followers
  • Madalas mag-trend ang tweets sa account na iyon na karamihan ay tungkol sa mga pangyayari sa bansa
  • Maglalabas daw siya ng video upang sagutin ang tanong ng netizens

Itinanggi ng komedyanteng si Ethel Booba na sa kaniya ang Twitter page na @IAmEthylGabison na madalas mag-trend dahil sa humor nito sa mga kaganapan sa bansa.

Imahe mula sa Facebook | Ethel Booba

Sa kaniyang Instagram post, nagbahagi si Ethel ng screenshot ng Twitter account sa ilalim ng kaniyang pangalan na may 1.6 million followers. “Beware of this FAKE Twitter,” aniya sa caption. May mga hashtag din itong stop using my name, fake, fake news, at peke.

Sa isang Facebook post ay humingi ng tulong si Ethel sa pagrereport ng Twitter page. “Tagal nang ginagamit ang pangalan ko nito e. Daming kuda, hindi na lang manahimik,” aniya.

Ngunit isang Facebook user ang nag-comment ng isang article mula sa ABS-CBN noong 2018 kung saan sinabi ni Ethel na siya ang humahawak ng Twitter page ngunit nanghihingi siya ng tulong sa mga kaibigan.

“Sa memes and edited pics, may friend ako taga-edit. Sa English post, minsan pinaco-correct ko sa kaibigan. Sa opinyon, nagbabasa-basa muna ako. Wala akong staff kasi wala akong pambayad,” aniya noon.

Imahe mula sa Facebook | Ethel Booba

Nang ipanganak din ang kaniyang panganay ay sa Twitter niya ito ibinahagi. Habang isinusulat ito ay deactivated na ang Twitter account.

Samantala, maging sa YouTube channel ni Ethel ay inusisa siya ng mga netizen hinggil sa issue.

“Wala ako pinagkakitaan kahit sino sa inyo. Sumobra na lang ang panggamit niya, pati current situation na meron tayo ginagawa niyang biro at ako ang nadadamay,” sagot ni Ethel sa isang commenter na inakusahan siyang pinagkakitaan lang ang kaniyang mga followers.

“Sue if you want. That’s what I’m gonna do pagkatapos ng quarantine. Papahanap ko kung sino man yang taong gumagamit sa name ko.”

Gagawa rin daw ng video si Ethel upang sagutin ang mga tanong ng netizens.

Loading…