Filipino babysitters, waitress na nursing graduate, tumugon sa panawagan ng Spain laban sa COVID-19

  • Mga Pilipino sa Spain tumugon sa panawagan ng pamahalaan para sa karagdagang health workers
  • Ang mga Pilipinong tumugon sa panawagan ay mga nurse sa Pilipinas ngunit iba ang naging trabaho sa Spain
  • Isa ang Spain sa mga bansa sa Europa na pinaka-grabeng naapektuhan ng COVID-19 pandemic

Iniwan ng mga Pinay nurses ang ibang trabaho nila para tumugon sa panawagan ng pamahalaan ng Spain na mapunan ang malaking kakulangan nito sa mga health workers dahil sa pananalasa ng novel coronavirus.

Imahe mula sa TFC News

Isa ang Spain sa mga bansa sa Europa na pinaka-grabeng naapektuhan ng COVID-19 pandemic. Ito ang ikalawa sa may pinakamaraming kumpirmadong kaso ng COVID-19 na umabot na sa 149,690 noong ika-8 ng Abril. Nasa 14,555 naman ang mga sinawimpalad.

Kinukulang na ang health frontliners ng Spain dahil marami na rin sa hanay nila ang naka-quarantine kaya minamadali ngayon ng Ministry of Employment nito ang pag-isyu ng work permits sa mga migrant workers na may medical diploma upang madagdagan ang kanilang workforce kontra sa COVID-19 crisis.

Sinabi ng isang Pinay senior nurse doon na mahirap talagang makapasok sa medical profession sa Spain. Matagal daw ang processing ng school records, pero dahil sa COVID-19 ay napabilis.

Ang isang Pinay na nakilalang si Jionisia Rosario ay natanggap sa kauna-unahang pagkakataon sa isang ospital matapos magtrabaho bilang babysitter ng dalawang taon sa Spain.

Screenshot mula sa video ng EuroNews

“Sayang naman kung hindi ko i-grab yung opportunity at least makatulong din naman ako sa kapwa ko Pilipino at sa komunidad kung nasaan ako ngayon,” sabi ni Jionisia na nakapagtapos ng nursing sa General Santos Doctor Medical School.

Nagagamit na rin ngayon ni Aileen Grace Carillo ang kursong tinapos. Nagtapos siya ng nursing sa University of Baguio. Isa siyang waitress bago siya tumugon sa panawagan ng Spain.

Kwento niya, dati raw ay palagi siyang sinasabihan ng mga magulang na gamitin ang kursong tinapos, pero ngayong may pandemic ay ayaw na raw siyang maging nurse.

“Kasi dati sila pa ang nagpu-push na mag-nursing ako tapos ngayon parang ayaw na nila.  Natakot, kasi nga ang dami ng kaso sa Spain.  Kaya kailangan kong ipaintindi sa kanila na ang pagna-nursing ay talagang risky na  kahit wala pa man ang coronavirus” wika ni Aileen.

Screenshot mula sa video ng Time

Ayon pa kay Aileen, napakasarap daw ng naramdaman niya nang magpasalamat sa kanya ang isang pasyente na gumaling sa COVID-19. Hindi raw matutumbasan ng pera ang saya na naramdaman niya.

Marami pang mga Pilipinong katulad nila ang tumugon sa panawagan ng Spain tulad ni John Matthew Villapol, na may experience sa emergency medical services sa Pilipinas pero isang language instructor sa Spain.

Sabi niya, tumugon siya sa panawagan bilang volunteer, subalit nagulat siya dahil binigyan siya ng kontrata bilang health worker

“Nakita ko yung post sa Facebook at tinanong ko kung puwede akong tumulong kahit hindi naman talaga ako nurse.  Ayun, matapos ang dalawang araw, nagtatrabaho na ako sa hospital. Nag-volunteer lang, ‘di ko akalain na kokontratahin ako at babayaran,” ani Villapol.

Source :

ABS-CBN, TFC EMEA

Loading…