Food packs mula sa LGU ng San Ildefonso, Bulacan, laman ay bigas, gulay, itlog, at sariwang isda

  • Ipinamahagi ng LGU ng San Ildefonso, Bulacan ang kanilang sariwang food packs
  • Imbes kasi na instant goods, sariwang gulay, itlog na pula, at bangus ang ipamimigay nila
  • Nasa 35,000 na mamamayan raw ang naabot ng fresh food packs mula sa LGU ng lalawigan

Kanya-kanyang diskarte ngayon ang mga LGU sa pamimigay ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan. Mayroong mga alkalde na hinahangaan dahil sa dami ng ipinamimigay na relief goods sa kanilang mga kababayan, habang ang iba naman ay kontrobersyal ngayon dahil tila hindi raw kumikilos para magserbisyo.

Ngunit ang mga taga-San Ildefonso, Bulacan, feeling blessed ngayon dahil sa kakaibang food packs na handog sa kanila ng lokal na pamahalaan. Imbes kasi na mga delata, instant noodles, at iba pang processed na pagkain, mga sariwang gulay, itlog, at isda ang ipinamigay nila.

Larawan mula sa Facebook post ni Mayor Carla Galvez Tan

Ibinahagi ng alkalde ng San Ildefonso na si Carla Galvez Tan sa kanyang Facebook post ang nakatatakam at punong-puno ng biyaya na handog niya sa mga minamahal na kababayan. Sa isang batya kasi na para sa isang pamilya, samu’t saring gulay ang laman nito kasama pa ang kamatis, itlog na pula, at mga sariwa at naglalakihang bangus.

Naisipan daw ni Mayor Carla na gawing healthy naman ang ikatlong batch ng tulong para sa kanyang mga nasasakupan. Ayon sa post, nasa higit 35,000 na mamamayan nila ang nakatanggap ng mga nasabing sariwang food packs.

“Magandang Buhay Ildefonsonian! Healthy pa din para sa Wave 3 ng Food Packs Distribution! O isip na kayo ng luto mga ves ano ang gusto n’yo luto para bukas at ihahatid natin sa 35,414 ngayong linggo ang mga eto,” bungad ni Mayor sa kanyang post.

Sinabi rin ni Mayor na ang bawat pamilya ay nakatanggap ng tatlo o dalawang piraso ng bangus depende sa laki nito. Inangkat naman daw mula sa Benguet ang mga gulay habang ang itlog na pula ay mula sa kanilang lalawigan mismo.

Larawan mula sa Facebook post ni Mayor Carla Galvez Tan

Inihayag din ng Mayor na hindi dapat sa kanya ibigay ang papuri para sa tuloy-tuloy na ayudang natatanggap ng mga kababayan dahil buwis daw ito ng mga residente nila. Nagpapasalamat din ang alkalde sa lahat ng volunteers na walang sawang tumutulong upang maipaabot agad ang ayuda.

Nitong Linggo lamang, ibinhagi na ni Mayor sa kanyang Facebook account ang ilang larawan at video kung saan makikitang natanggap na ng kanilang mga nasasakupan ang masarap at masustansiyang food packs nila. Maging mga taga ibang lalawigan ay hanga sa proyektong ito ng San Ildefonso LGU.

Loading…