Forever Dabarkads: Jessa Zaragoza, sinariwa sa IG post ang karanasan bilang Little Miss Philippines candidate

  • Nagbalik-tanaw ang singer at aktres na si Jessa Zaragoza sa kanyang pagsali sa Eat Bulaga
  • Naging kandidata ng Little Miss Philippines 1990 si Jessa at nakapasok sa grand finals
  • Ibinahagi rin niya ang video ng pagbabalik niya sa noontime show noong 25th year anniversary nito

Apat na dekada na sa ere ang noontime show na Eat Bulaga. Sa loob ng 40 taon, marami na ring pangalan ang natulungan ng iconic TV show na mabigyan ng pangalan sa industriya sa pamamagitan ng kanilang mga pa-contest.

Isa sa mga tumatak ay ang pageant para sa mga batang babae na Little Miss Philippines. Simula noong 1984 nang inilunsad ito, maraming pangalan na sa industriya ang umusbong na hanggang sa ngayon ay hinahangaan pa rin ng mga manonood.

Larawan mula sa Instagram video ni Jessa Zaragoza

Kabilang sa mga ito ay ang Phenomenal Diva na si Jessa Zaragoza. Bago nakamit ni Jessa ang kanyang iconic hits at record-breaking album, minsan muna siyang sumalang bilang batang kandidata sa Eat Bulaga na sinariwa niya sa isang Instagram post.

Kamakailan kasi ay muling umere sa tanghalian ang ginawang Silver Anniversary show ng Eat Bulaga. Kabilang dito si Jessa na muling bumalik sa Eat Bulaga bilang guest performer. Malaking bahagi kasi ng career ni Jessa ang pagkakasali sa Little Miss Philippines noong 1990.

Bagama’t grand finalist lang si Jessa at hindi nanalo, itinuturing ng Eat Bulaga na isa siya sa pinakamatagumpay nilang produkto dahil nagsilbi nang haligi ng OPM ang singer na kalaunan ay naging isang matagumpay ding aktres.

Nag-video si Jessa sa bahagi ng Eat Bulaga special kung saan ipinakita ang batang siya na sumalang noon sa Little Miss Philippines. Matapos nito ay lumabas si Jessa at nag-perform sa harap ng audience sa Clark Expo, Pampanga kung saan ginawa ang Silver Anniversary show noong 2004.

Larawan mula sa Instagram video ni Jessa Zaragoza

Sa video, makikitang nagtanghal si Jessa kasama ang iba pang Little Miss alumni na sina Donna Cruz, Aiza Seguerra, at Dindin Llarena. Proud ring sinabi ni Jessa sa kanyang post na proud Eat Bulaga baby siya kahit ngayong isang ina na rin siya.

Marami naman ang natuwa na makita ang cute na cute na batang Jessa na sumali sa Eat Bulaga. Ayon sa kanila, bata pa lang daw ay talaga namang lutang na ang ganda at talento ni Jessa kaya hindi nakapagtatakang matagumpay siyang bahagi ng showbiz kahit hindi siya nanalo sa patimpalak.

Panoorin ang batang Jessa sa Little Miss Philippines:

 

View this post on Instagram

 

#EatBulagababy #LittleMissPhilippines1987

A post shared by Jessa Zaragoza (@jessazaragoza) on

Loading…