French Artisan Gelato: Balut-flavored ice cream, kaya mo ba ‘to?

  • Nabuksan ang kuryosidad at interes ng mga netizens sa isang larawan sa Facebook page
  • Makikita kasi rito ang isang balut–flavored ice cream
  • Makikita ito sa isang French pastry shop sa Cebu City

Dalawa sa mga pinakapaboritong pagkain ng mga Pilipino ang balut at sorbetes. Ang balut o itlog ng bibe ay mas masarap kainin sa panahon ng tag–ulan at malamig ang panahon, at ang sorbetes o ice cream naman ay katakam–takam lalo na tuwing tag–araw o mainit ang panahon.

Ngunit paano kung pinagsama sa iisang pagkain ang dalawang ito?

Ibinahagi sa Facebook page na “Rant” ang larawan ng “balut–flavored ice cream” na talaga namang nagbukas ng kuryosidad sa mga netizens, lalo na ang mga mahihilig sa pagkain ng exotic o kakaibang pagkain.

Imahe mula sa Facebook page na Rant/Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“When you missed both summer and street food at the same time… iyan na ang puwedeng kainin…” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “I actually was able to taste it. At first, nakakapanibago, pero kapag natagalan mo na at nasanay na ang taste buds mo, okay lang naman. Masarap, promise!”

“Grabe, I can’t imagine na magiging flavor sa ice cream ang balut. Hindi appealing ang kulay sa totoo lang. Ang tanong, masarap kaya?” pahayag naman ng isa.

Ang naturang balut–flavored ice cream na tinatawag na “French Artisan Gelato” ay itinitinda sa “La Vie Parisienne”, isang French pastry shop sa Cebu City. Bukod sa balut, matatagpuan din ang iba pang mga flavor ng ice cream tulad ng avocado, mangga, cheesecake, durian, at buko.

Sa Pilipinas, kilala ang munisipalidad ng Pateros sa industriya ng balut. Kadalasan itong itinitinda, o minsan pa’y inilalako tuwing gabi. Masarap itong kainin lalo na’t may sawsawang sukang maanghang.

Ang sorbetes naman ay patok na patok sa mga Pilipino, lalo na ang mga flavor na tsokolate, mangga, keso, ube, at iba pang mga prutas. Minsan, ipinapalaman din ito sa tinapay.

Public Domain Image

Handa ka bang magtungo sa Cebu upang matikman ang balut-flavored ice cream?

Loading…