
- Sa pamamagitan ng TikTok videos ay pinalalakas ng isang nursing assistant ang loob ng kaniyang mga kapwa COVID-19 patients
- Bukod dito, ginagawa rin ito ni Nico Torreon upang hindi mag-alala ang kaniyang pamilya na nasa Mindanao
- Nagpasalamat din siya sa mga nagdadasal para sa kaniyang patuloy na paggaling
Habang nakikipaglaban sa COVID-19, isang frontliner ang nagpapakita ng katatagan sa pamamagitan ng pag-upload ng TikTok videos na nagsisilbing inspirasyon sa mga kapwa niya pasyente.

Sa isang Facebook post ay inamin ng 28 anyos na si Nico Torreon, isang nursing assistant sa St. Luke’s Medical Center sa BGC, na nahirapan siyang tanggapin na tinamaan siya ng COVID.
“Noong una, ang lungkot ko. Iyak ako nang iyak. Natatakot ako kung paano ko haharapin ang sitwasyon ko noong nalaman kong positive ako sa COVID-19,” aniya. Ngunit nang mapagtanto raw niya na marami ang nagmamahal sa kaniya ay nagkaroon siya ng lakas ng loob upang lumaban.
Madalas siyang magbahagi ng update sa kaniyang kondisyon sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account at sinasamahan pa niya ito ng TikTok videos upang huwag mag-alala ang kaniyang pamilya na nasa Mindanao.

“This is to inspire others na kahit may pinagdaraanan tayo, ‘wag mawawalan ng pag-asa. Laban lang,” aniya. “Mag-TikTok ka na lang. Virus ka lang. Si Nico ‘to.”
Sa isa pa niyang post, nakiusap siya sa mga netizena na pakinggan ang payo ng mga awtoridad at manatili na lamang sa kanilang tahanan. “Frontliner ako pero patient na ngayon. Kung ako na may suot na PPEs, nahawa pa, what more kayo? Kaya makinig at sumunod na lang kayo,” sabi ni Nico.
Ayon sa ulat ng GMA News, patuloy pa rin ang recovery ni Nico. Masakit pa ang kaniyang lalamunan ngunit wala na siyang lagnat at sakit ng ulo.
“Thank you sa mga prayers ninyo. Patuloy akong magpapagaling at magpapalakas. Maraming salamat sa inyo,” aniya. “I am PH 920 and I am stronger than COVID-19.”
Panoorin ang isa sa kaniyang mga TikTok video rito: