Frontliners hindi exempted sa “no motorcycle back-riding” policy – MMDA

  • Hindi exempted sa “no motorcycle back-riding” policy ang mga frontliners
  • Nilinaw ng MMDA na ang nasabing polisiya ay batay sa guidelines ng IATF at DILG
  • Ang pahayag ng MMDA ay kaugnay sa post ng isang rider na nagreklamo na hinuli siya kahit frontliner ang ka-angkas niya sa motorsiklo

Ang mga health workers na frontliners sa pagtugon sa COVID-19 crisis ay hindi exempted sa “no motorcycle back-riding” policy na ipinatutupad sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Imahe mula sa Daily Guardian

Ang nasabing polisiya na kanilang ipinatutupad ay batay daw sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng Department of Interior and Local Government (DILG).

“We are very sorry but there are no exemptions based on the guidelines of IATF and the Department of the Interior and Local Government, ‘no angkas’ policy tayo,” pahayag ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

Ang pahayag ni Pialago ay kaugnay ng viral Facebook post ng isang netizen na nakilalang si Michael Villanueva na nagsabing hinuli siya ng MMDA traffic constable gayong isang health frontliner ang sister-in-law niya na nakaangkas sa kanyang motorsiklo.

Pilit umanong pinababa sa motorsiklo ang health worker at kinumpiska ang driver’s license ni Villanueva. Nag-issue ng citation ticket ang traffic constable at ang multang babayaran ay P5,000.

Dahil wala ring masakyan ang health worker, pumayag na rin daw ang traffic constable na muli itong pasakayin sa motorsiklo para maihatid sa trabaho.

Imahe mula kay Michael Villanueva

“Ang ending, pinasakay din sa ‘kin with violation ticket and 5,000 na tubusin,” sabi ni Villanueva na nanawagan din sa mga local government units na mabigyan ng exemptions o kaya ay maayos na shuttle service ang mga frontliners.

Ayon kay Pialago, tama ang ginawang paghuli kay Villanueva, subalit mali ang ginawa ng constable na pinasakay ulit sa motorsiklo ang frontliner.

“‘Yung traffic constable, dapat nakipag-coordinate sa aming mobile base para nakapagpadala ng mobile para ibaba ang frontliner sa pinakamalapit na waiting area at i-coordinate doon sa mga shuttle services at libreng sakay. Hindi niya dapat pinabayaan at hindi pinasakay uli. Sa bagay na ‘yun, mali ang aming traffic constable,” anang MMDA spokesperson.

Iniimbestigahan na umano ng MMDA ang buong pangyayari.

Imahe mula kay Celine Pialago

Loading…