Gapan LGU trending ulit sa socmed, muling mamamahagi ng isang sakong bigas na may P1k cash sa bawat bahay

  • Trending na naman sa social media ang Gapan City dahil mamamahagi ulit ito ng isang sakong bigas sa bawat bahay
  • Kasabay sa pamamahagi ng bigas ay isang libong pisong cash sa bawat bahay
  • Sa kabila ng “maluhong” ayuda, tiniyak ni Mayor Emeng na hindi nangutang ni singko ang Gapan City

Trending na naman sa social media ang local government unit (LGU) ng Gapan City sa Nueva Ecija sa pangunguna ng alkalde nitong si Mayor Emeng Pascual dahil muli silang mamamahagi ng isang sakong bigas sa bawat bahay.

Screenshot mula sa video ng Mayor Emeng Pascual-Serbisyo Publiko Facebook page

Kasama ng isang sakong bigas ay mamamahagi rin sila ng tig-iisang libong piso sa bawat bahay, ayon sa butihing alkalde.

Sa isang video na ibinahagi sa “Mayor Emeng Pascual – Serbisyo  Publiko” Facebook page, makikita ang bulto-bultong pera sa harap nina Mayor Emeng, Vice Mayor Dodong Bautista at iba pang opisyal ng Gapan City.

Ipinaliwanag ng alkalde kung bakit may napakaraming pera sa kanilang harapan.

“Nangako po kami ni Vice Mayor Dodong at ng mga konsehal na kapag nag-extend ang lockdown, magbibigay kami ng isang sakong bigas. At sa pangako din natin na ‘yon, bibigyan natin ng isang libo ang bawat senior citizen, ang tricycle driver, ang jeepney driver, vendor at manggagawa ng tsinelas,” simulang paliwanag ni Mayor Emeng.

Ang problema, aniya, ay maraming nag-react sa anunsyo nila. Paano naman daw ang mga iba tulad ng magsasaka, construction workers at iba pang manggagawa. Kaya napagdesisyunan nila na bigyan ng tig-iisang libo ang bawat bahay kasabay ng bigas. Hindi na raw sila gagawa ng listahan ng mga benepisyaryo dahil ang lahat ay siguradong mabibigyan.

Screenshot mula sa video ng Mayor Emeng Pascual-Serbisyo Publiko Facebook page

Sa dami ng pera na kailangang i-sobre, nanawagan si Mayor Emeng sa mga kabataan na mag-volunteer sa pagsosobre ng pera upang sa susunod na linggo ay agad nang maipamahagi ang ayuda.

Ibinahagi pa ng mayor na P155,789,595 ang budget na ginagamit ng lungsod sa gitna ng COVID-19 crisis. Ang P104,770,000 ay ang supplemental budget na aprubado ng city council at ang P51,019,595 ay galing kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Department of Budget and Management.

Bukod pa umano ito sa mga donasyon mula sa pribadong sektor na umabot na sa apat na milyong piso. Hindi pa nagagasta ang nasabing donasyon, ayon sa alkalde.

Screenshot mula sa video ng Mayor Emeng Pascual-Serbisyo Publiko Facebook page

Sa mga nagtatanong tungkol sa “maluhong” ayuda ng Gapan, tiniyak ng alkalde na hindi nangutang kahit singko ang lungsod.

Aniya, pagkatapos ng krisis ay tuloy lahat ng mga proyektong nakaprograma, kabilang ang cake at libreng panonood ng sine na may kasamang P200 na “pang-Jollibee” para sa mga senior citizens.

Ang video ni Mayor Emeng ay mayroon nang mahigit anim at kalahating milyong views wala pang 24 oras ang nakalilipas.

Source :

Facebook

Loading…