GenSan city government namahagi sa mga barangay ng isanlibong buhay na baboy

  • Isanlibong buhay na baboy, ipinamahagi ng GenSan city government sa mga barangay
  • Namigay din sila ng sari-saring isda at manok para sa mga hindi kumakain ng karne ng baboy
  • Umabot na sa P600 million ang nailabas ng GenSan city government sa COVID-19 response nito

Namahagi ang General Santos (GenSan) City government ng hindi bababa sa isanlibong buhay na baboy bilang karagdagang food supplies sa mga residente na apektado ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Imahe mula sa GenSan LGU

Ipinahayag ni Mayor Ronel Rivera, ngayong araw ng Lunes, ika-27 ng Abril, na layunin ng ginawa nilang hakbang na makapagbigay ng karagdagang ayuda sa mga residente at sa mga local swine producers na lubos na naapektuhan ng ipinatutupad na mga restriksyon kaugnay ng COVID-19 pandemic.

“Binili ng LGU ang mga baboy sa mga local swine producers bilang tulong na rin sa kanila dahil apektado din sila ng pandemic at nahihirapan silang ilabas ang livestock sa ibang lugar,” ayon sa GenSan City mayor.

Ipinaubaya na ng city government sa mga purok leaders ang pagkatay sa mga baboy, na tumitimbang ng humigit-kumulang 200 kilos bawat isa, at sa pamamahagi nito sa mga residente. Ang siyudad ay mayroong mahigit 169,000 families.

“Aabot sa 1,000 na buhay na baboy ang sinimulang ipamahagi sa iba’t-ibang barangay ng lungsod. Nasa humigit kumulang dalawang daang kilo ang bawat isang baboy. Ang kanya-kanyang purok na ang bahalang kakatay sa mga baboy at ipamigay sa kanilang mga residente,” ayon sa Facebook post ng GenSan LGU.

Imahe mula sa GenSan LGU

Bukod sa mga baboy, namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng sari-saring klase ng mga isda at manok para sa mga residenteng hindi kumakain ng karne ng baboy.

Ayon pa kay Mayor Rivera, pinili nilang magpamahagi ng perishable products dahil kaunti na lang ang nabibiling canned products sa mga lokal na pamilihan.

Umabot na sa P600 million ang nailabas ng GenSan LGU sa COVID-19 response nito. Ang malaking bahagi ng budget ay ginamit sa relief operations.

Imahe mula sa GenSan LGU
Source :

Facebook, PNA

Loading…