Glaiza de Castro, ibinida ang rest house, vacation inn sa Baler, Aurora; mayroon na ring sariling travel agency

  • Ipinakita ni Glaiza de Castro ang kanyang bagong bahay bakasyunan sa Baler, Aurora
  • Ipinarerenta niya rin ang ilang kuwarto dito bilang bakasyunan din ng mga turista
  • Boss na rin si Glaiza ng sariling travel agency katuwang ang kanyang pamilya

Kapag sinabing bida-kontrabida sa GMA Network, isa ang pangalan ni Glaiza de Castro sa unang papasok sa isip ninuman. Tumatak ang mga pangganap ni Glaiza bilang tinik sa landas ng mga bida, ngunit kaya niya ring maging maamo at mabait sa mga teleserye at pelikulang kinabilangan niya.

At ang mga sakripisyo at pagsisikap ni Glaiza bilang isang aktres at performer ay nabunga na ng ilang malalaking biyaya na tinatamasa na rin ngayon ng kanyang pamilya. Sa isang episode ng GMA magazine show na Tunay na Buhay, ibinida ni Glaiza ang kanyang mga naipundar na ari-arian at negosyo.

Larawan mula sa video ng GMA News

Nang magbida sa trending afternoon series na Contessa noong 2018, nabili raw ni Glaiza ang isang malaking rest house sa Baler, Aurora. Binili niya raw ito dahil nais niya ng isang lugar kung saan maaari siyang makapag-relax kung hindi abala sa mga gawain bilang isang Kapuso star. Tinawag nila ito na Casa Galura, dahil Galura ang tunay na apelyido ni Glaiza.

Dahil isang kilalang tourist destination ang lalawigan ng Aurora, mayroon ding tatlong pintuang vacation inn na pinauupahan si Glaiza sa kanyang rest house. At ang pangalan ng bawat silid ay inihango niya sa mga malalaking proyektong kinabilangan niya.

Ang unang silid ay tinawag niyang Sinta, alinsunod sa unang awit na inilabas ni Glaiza noong nagsisimula pa lamang sa showbiz. Ang ikalawang kuwarto naman na pinakamalaki sa lahat ay tinawag niyang Grazilda. Ito kasi ang unang lead role ni Glaiza para sa isang primetime series na nagpataob sa ratings ng katapat na Idol na pinagbidahan nina Sarah Geronimo at Coco Martin.

Larawan mula sa video ng GMA News

At dahil bunga ng kanyang big break bilang si Contessa ang buong Casa Galura, ang ikatlong kuwarto sa vacation inn ni Glaiza ay ipinangalan dito. Pero hindi pa rito natatapos ang mga naipundar ng prime Kapuso star dahil isa na rin siyang boss ng sariling business.

Itinayo rin ni Glaiza ang Galura Travel International Company. Bilang mahilig silang mag-travel, naisipan ni Glaiza na gawin na rin itong pagkakakitaan. Ang ate ni Glaiza na si Cris ang tumatayong manager ng negosyo habang si Glaiza naman ang humahawak sa itineraries at marketing plan.

Panoorin ang pasilip ni Glaiza sa kanyang mga ari-arian:

Source :

YouTube, GMA News

Loading…