GrabFood riders, sama-samang namigay ng pagkain sa mga kababayang homeless ngayong panahon ng ECQ

  • Nagsama-sama ang ilang mga GrabFood riders upang mag-abot ng tulong sa mga kababayang nangangailangan
  • Sa post ni Angelito Sanchez, makikita ang pagbabayanihan ng mga rider upang maghatid ng pagkain sa mga taong walang permanenteng tirahan
  • Marami naman ang nagpahayag ng paghanga sa kanila dahil sa kanilang pagnanais na makatulong sa kapuwa

Hinangaan sa social media ang isang grupo ng GrabFood riders matapos nilang maghatid ng tulong sa mga kababayang nangangailangan lalo na ngayong panahon ng ECQ.

Imahe mula kay Angelito Sanchez | Facebook

Sa Facebook post ng netizen na kinilalang si Angelito Sanchez noong April 13, makikita ang pagsasama-sama ng ilang mga GrabFood driver upang maghatid ng makakain sa mga taong walang permanenteng tahanan.

“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng GrabFood driver na nag-ambag-ambag para maisakatuparan ang munting pag-abot ng maliit na tulong sa ating mga kapatid na nagugutom sa kalsada. Nagsusumikap sila sa araw araw para kahit pano makauwi ng kaunting halaga sa kanilang mga pamilya ngunit patuloy pa ring naloloko dahil sa mga cancel booking na iyan,” sabi ni Angelito sa post.

“Nawa’y sa paraang ito di man ganoon kadami o kalaki ang aming napagtipon na ambagan ay makatulong po sa inyo at para pakita nadin po sa kapwa natin kababayan na sana po ay tulungan din sila,” dagdag niya.

Naghanda ang grupo ng simpleng pagkain. Inilagay nila iyon sa styrofoam at saka ipinamigay sa mga kababayang naninirahan sa kalsada sa kabila ng banta ng virus sa kanilang kalusugan.

Nais naman ng netizen na magsilbing inspirasyon ang ginawa ng mga GrabFood riders upang mas dumami pa ang mga taong magnanais tumulong sa mga kababayang nangangailangan ng pagkain.

“Nakakalungkot isipin na di sapat at sobrang kulang ng aming nagawa. Nawa’y sa paraang ito mapukaw ang puso ng iba para maabot din po sila ng inyong tulong, lalo na ang mga bata na halos nangangatog sa gutom,” sabi niya.

“At sa lahat ng grab drivers, at iba pang tumutulong ngayong panahon ng sakuna, mabuhay po kayong lahat. Godbless, everyone!” ani Angelito.

Marami naman ang nagpahayag ng kanilang paghanga sa pagbabayanihan ng mga GrabFood rider at sa pagnanais nilang makatulong sa mga kababayan.

Imahe mula kay Angelito Sanchez | Facebook

“Salute to all of you guys. Sa kabila din ng kagipitan ninyo ay naisipan n’yo pa rin na mag-ambagan para makapagpakain ng mga homeless Good luck and God bless,” sabi ni DG.

“Salute to the heroic job that you do. Hats off to you all. May God bless you,” sabi naman ni JED.

Source :

Facebook

Loading…