Gunita ng kabataan: Paghahagis ng nabunot na ngipin sa bubungan

  • Naranasan mo rin bang ihagis sa bubungan ang nabunot mong ngipin noong bata ka pa?
  • Pagkatapos, humiling ka pa sa daga upang mapalitan ito
  • Iyan ang alaalang binalikan ng mga netizens na nakaranas din nito

Mayaman sa iba’t ibang pamahiin ang mga Pilipino. Nakaangkla ito sa ating mayamang tradisyon at mga paniniwala. Sa kabila ng makabagong panahon, marami pa rin sa ating mga kababayan ang sumusunod dito, lalo na sa mga lalawigan.

Isa sa mga kilalang pamahiin ang paghahagis ng nabunot na ngipin ng isang bata sa bubungan ng bahay, at pagbanggit ng bulong na “Daga, daga, patubuin mo ulit ang ngipin ko!” upang muli itong mapalitan.

Iyan ang ibinahagi sa Facebook page na “Dirty Minds”. Ayon sa caption, “Let’s confuse kids nowadays.”

Imahe mula sa Facebook account na Dirty Mind/Public Domain Image

Marami naman sa mga netizens ang nakaugnay rito. Ibinahagi nila ang kanilang karanasan.

“Ang sabi, kapag natanggal ngipin mo, ihagis mo sa bubong para mabilis tumubo yung natanggalan ng ngipin, tapos humiling ka sa daga. Pero ako, sa butiki yata ako humiling, kaya hindi na ulit tumubo ang mga ngipin kong nabungi. Nagpagawa na lang ako ng pustiso hahaha,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naalala ko tuloy sinabi ko diyan. ‘Daga, Daga palit tayo ngipin iyo maliit akin malaki, hays nakakapagsisi. Share ko lang.”

“Naalala ko ang childhood days ko. Noong bata ako, nilalagyan ng sinulid ng nanay ko yung bulok na ngipin na kailangang bunutin. Tapos itatali niya sa pinto. Tapos, biglaan, isasarado niya yung pinto. Presto, bunot na ang ngipin. Ang gagawin sa nabunot na ngipin, ihahagis sa bubungan ng bahay,” kuwento naman ng isa.

Samantala, wala namang makaagham na batayan kung talagang papalitan ng daga ang ngiping nabunot sa bata. Subalit, kinakailangang mapalitan ang mga temporaryong ngipin ng mga ito ng permanenteng ngipin.

Public Domain Image

Upang matiyak na magiging maganda ang tubo ng ngipin, ugaliin ang regular na pagkonsulta sa mga dentista. Sa mga magulang, sanayin ang mga anak na laging nagpapatingin ng mga ngipin sa dentista upang masanay na sila at hindi katakutan. Tiyakin ding maturuan sila ng proper hygiene tulad ng pagsesepilyo, pagmumumog, at paggamit ng dental floss.

Loading…