Guro sa Las Piñas na kasamang hinuli sa mga lumabag sa ECQ may kahilingan sa mga kinauukulan

  • Ibinahagi ng isang guro sa Las Piñas ang kaniyang karanasan, na kasamang hinuli sa mga lumabag umano sa ECQ kahit may dalang quarantine pass
  • Bibili lamang sana ng gamot ang guro para sa kaniyang senior citizen na ina
  • Nagbigay ng apat na kahilingan ang naturang guro para sa mga kinauukulan upang maging malinaw ang mga panuntunan sa paghuli ng mga “lumalabag” sa ECQ

Isinalaysay at idinetalye ng isang gurong taga Las Piñas na nagtuturo sa pampublikong paaralan ang kaniyang karanasan hinggil sa pagkakahuli sa kaniya ng mga pulis kahit may dala siyang quarantine pass at bibili lamang ng gamot para sa kaniyang inang senior citizen.

Ayon sa mahabang Facebook post ng gurong si “Dale Medina”, noong Abril 15, 2020 nang umaga ay napag-utusan siya ng kaniyang nanay na senior citizen na bumili ng maintenance medicine na mga ilang kilometro mula sa kanilang bahay ang layo. Gaya ng nakagawian, dala niya umano ang quarantine pass na nakapangalan sa kaniyang nanay na senior citizen na.

Imahe mula sa Instagram account ng Squeeze PH

Bukod sa quarantine pass na kinakailangan niyang ipakita sa paglabas ng bahay, dala rin niya ang senior citizen ID nito, at pansariling ID upang makapunta sa botika. Nakasuot din siya ng face mask at may dalang alcohol upang matiyak na makakapag–sanitize siya.

Gaya din ng nakagawian, itong mga bagay na ito ang ipinakikita ng guro sa checkpoint paglabas ng kanilang subdivision at pinapayagan naman siyang makalagpas. Ganito ang nakagawian niya buhat nang magpatupad ng ECQ. Ngunit hindi niya inaasahang dadamputin siya ng pulis dahil mali raw ang nakagawian nila.

“Pagdating ko sa main road (Alabang-Zapote road) ay may nakabantay ding mga pulis. Ininspeksyon ulit ng mga ito ang dala kong quarantine pass at mga ID. Sa aking pagkagulat, hindi daw ito tama. Tanging ang nakapangalan lang daw sa quarantine pass ang puwedeng lumabas. Pinasakay ako kaagad ng mga ito sa police mobile. Nabigla ako, naguluhan, at tahimik na nag–panic. Sa isip ko lang ‘Tama ba ito?’ ayon sa kaniya.

Sa loob umano ng mobile ay nakasabay niya ang kapareho niya ng sitwasyon. Ang isa raw ay inutusan ng tiyahin niya. Habang umaandar ang mobile, sinabi ng pulis na nakasabit at nakabantay sa amin na karapatan naming manahimik at sa presinto na lang magpaliwanag.

Imahe mula sa Instagram account ng Squeeze PH

Bukod sa kanila ay may iba pang mga hinuli dahil walang face mask habang bumibili sa tindahan at isang dalagitang mangiyak–ngiyak, at ang mismong anak ng presidente ng Homeowners ng kanilang subdivision dahil walang nakasuot na face mask. Nagsiksikan na raw sila sa mobile at wala nang social distancing.

Pagdating sa umano sa covered court, pinapanood sa kanila ang isang presscon ni Pangulong Duterte tungkol sa lockdown at COVID-19 at kinumpiska ang mga cellphone nila dahil maaari daw itong gamitin laban sa kanila. Nagtaka rin umano sila dahil may pinapakawalan at ang dalagita ay pinaghugas ng pinggan bilang “community service”.

Pinasulat din umano ang kanilang mga basic information sa papel at sinabihan sila na kakausapin sila ni Mayora hinggil sa paglabag nila sa “Anti-Loitering Ordinance” na pinirmahan daw nito, subalit hindi naman sila aware tungkol dito.

Pagkatapos nito, pinapila ulit sila nang may isang dipa ang pagitan sa maliit na kalye na bumabagtas sa likod ng main building ng City Hall. Nakapila ulit sila sa initan, naghihintay kung anong susunod na gagawin hanggang nagsalita ang isang pulis, tinatanong ang ilang pangalang may previous cases.

Inutusan umano sila na kumuha ng quarantine pass sa kani–kanilang mga barangay upang hindi na raw maulit ang mga ganitong kaso ng paglabag. Saka sila pinauwi.

Naiintindihan naman daw ng guro ang mas mahigpit na patakaran. Siya raw ay isang responsableng mamamayan na sumusunod at susunod dahil isa siyang guro. Subalit nagbigay siya ng ilang mga kahilingan.

Una, magkaroon daw sana ng mas malinaw na implementasyon tungkol sa pagdadala ng quarantine pass.

Public Domain Image

Pangalawa, magkaroon daw sana ng koordinasyon sa mga awtoridad. Pangatlo, mabigyan sana ang lahat ng residente ng kopya ng mga ordinansa. At pang–apat, pantay na trato sa mga nahuhuli.

Hindi raw niya maintindihan kung bakit madaling pinaaalis ang mga anak ng nasa kapangyarihan at ang dahilan kung bakit iba ang parusa sa mga babae.

“Salamat po sa mga nagbasa at sana ay may napulot po kayong aral sa inyong nabasa mula sa aking naranasan,” ayon sa naturang guro.

Samantala, wala pa namang anumang pahayag ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas hinggil sa isyung ito.

Loading…