Higit 3,000 residente sa Baclaran binentahan ng pekeng DSWD SAC forms para sa 5k-8k ayuda

  • Mga residente ng Baclaran nabiktima ng dalawang suspek na nagbenta sa kanila ng pekeng DSWD SAC form
  • Kailangang mag-fill-up ng SAC form ang mga mamamayan upang makakuha ng pinansyal na ayuda mula sa pamahalaan
  • Sa pamamagitan ng SAC form ay malalaman ng DSWD kung sino-sino ang higit na ngangailangan ng pinansyal na tulong

Nasa ikatlong linggo na ang umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon, ngunit marami pa rin sa mga lubos na apektadong mamamayan ang hindi nararating ng tulong mula sa pamahalaan at kung nabigyan man ng food packs ay kadalasang hindi sapat para sa ilang araw na pangangailangan ng pamilya.

Imahe mula sa Most trending PH

Umaasa ang marami sa ipinangakong P5,000 hanggang P8,000 tulong-pinansyal na magmumula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kailangang mag-fill-up ng Social Amelioration Card form ang mga mamamayan upang malaman kung sino ang higit na mga  nganganilangan na dapat mabigyan ng pinansyal na ayuda.

Ang mga SAC forms ay ipamamahagi umano ng bawat barangay sa mga residenteng nasasakupan subalit hindi pa rin ito nagagawa.

Sa Parañaque, mahigit sa tatlong libong katao ang nabiktima ng manloloko dahil na rin sa kanilang pananabik na makakuha ng financial aid mula sa DSWD.

Ayon sa Barangay Chairman ng Baclaran na si Jun Zaide, nagulat na lang sila nang dumagsa ang maraming residente na pumila sa barangay hall upang makuha umano ang inaasahang  pera mula sa pamahalaan.

Screenshot mula sa video ng GMA

Dala ang mga pirmadong DSWD SAC form, nagtungo sila sa barangay hall para makuha na ang ayuda, ngunit laking gulat nila nang malamang peke ang form na dala nila.

Kuwento ng isang residente, dalawang babae raw ang nagbenta sa kanila ng SAC form. Noong una ay sampung piso kada isa ang presyo, subalit ginawa raw itong P20 isa kalaunan.

Nilinaw ni Kap. Jun Zaide na wala silang kinalaman sa mga kumalat na pekeng SAC forms.

Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga suspek.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…