Hiling ng isang frontliner na maka–duet si Asia’s Songbird Regine Velasquez, natupad na

  • Naka-duet ng isang frontliner ang idolong si Asia’s Songbird Regine Velasquez–Alcasid
  • Nag-trending kasi ang post nila ng kaniyang kaibigan na nanawagan sa mga publikong manatili sa kanilang mga bahay dahil nais pa nilang makasama sa duweto sina Regine at Lea Salonga
  • Naisakatuparan na ito sa musical variety show na ASAP Natin ‘To

Sa wakas ay natupad na rin ang munting hiling ng isang frontliner na makasama sa isang kantahan o duet ang idolong si Asia’s Songbird Regine Velasquez–Alcasid, na ipinalabas sa “ASAP Natin ‘To” nitong Linggo, Abril 19, 2020.

Noong Abril 2, 2020, itinampok ni “Wendel Estrabo”, ang kaniyang kaibigang frontliner na si “Gerry John Cumpio” sa kaniyang Facebook post, na nanawagan sa publiko na sumunod at manatili sa kani–kanilang mga tahanan dahil pangarap pa nilang maka–duet ang mga idolong sina Lea Salonga at Regine Velasquez–Alcasid.

Imahe mula sa Facebook account ni Wendel Estrabo

“Please lang po, stay at home. Pangarap pa po namin pareho maka–duet idols namin na si Ate Reg and Ate Lea after this COVID–19 sa Piano Lounge. Salamat,” ayon sa caption. Kalakip ng post ang larawan nila ni Gerry habang hawak ang isang papel na nakaimprenta ang kanilang mensahe.

At nitong Linggo nga ay naisakatuparan na ang matagal nang minimithi ni Gerry. Pinalad siyang maka–duet ang Songbird sa pamamagitan ng magkahiwalay na recorded video na pinagsama, na karaniwang ginagawa ngayon ng ASAP Natin ‘To. Kinanta nila ang sikat na awiting “Ikaw”. Ibinahagi rin ito ni Wendel sa kaniyang Facebook post.

“Dreams really do come true” daw talaga para kay Gerry. Salaysay pa ni Wendel, si Gerry daw ang tipong “fan boy” na handang makipagsiksikan sa mahabang pila upang makabili lamang ng ticket sa concert ni Regine. Mga videos ng kumakantang Songbird ang madalas nitong panoorin sa YouTube.

Samantala, hindi lamang si Gerry, Wendel, at kanilang iba pang mga kaibigan ang masaya. Ayon naman sa Twitter post ni Regine, masayang–masaya rin siya dahil nabigyan niya ng katuparan ang kahilingan ng isang frontliner na gaya ni Gerry. Kahit paano, pakiramdam ay nakatulong na rin siya sa kanila.

Imahe mula sa Twitter account ni Regine Velasquez

Samantala, sana raw ay maka–duet din nila ang isa pa nilang idolong si Broadway Diva at isa pang pride ng mga Pilipino na si Ms. Lea Salonga.

Pagbati kay Wendel at Gerry! Patuloy sana kayong maging inspirasyon sa lahat!

Loading…