Hindi lang K-Drama: Ilang Pinoy teleserye, pinagkakaguluhan sa Latin America

  • Pinagkakaguluhan din sa Latin America ang mga seryeng gawa dito sa bansa
  • Katulad ng mga K-Drama ay lumalaki na rin ang fan base ng mga Pinoy sa nasabing rehiyon
  • May isang Facebook page pa nga na tungkol sa Latin American fans ng mga Pinoy series

Kamakailan ay naging kontrobersyal ang naging pahayag ng premyadong direktor na si Erik Matti patungkol sa madalas na pag-trend ng K-dramas sa streaming platform na Netflix. Nagbigay din ng negatibong komento ang direktor tungkol sa mga artistang Koreano na hindi ikinatuwa ng fans.

Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, katulad ng Korean drama, lumalaki rin ang fan base ng Pinoy teleserye sa Latin America. Napapanood na rin kasi ang mga ito sa ilang bansa sa nasabing rehiyon at pinagkakagukuhan na ang mga ito katulad ng mga panooring mula sa Korea.

Larawan mula sa Facebook page na Telenovelas Filipinas

Nag-umpisang umusbong ang mga Pinoy serye sa Latin America noong 2017 nang hindi inaasahang maging top rater ang seryeng Cautiva na ipinalabas sa GMA Network bilang Hanggang Makita Kang Muli na pinagbidahan ni Bea Binene. Dahil dito ay dumagsa ang fans ni Bea at ibang cast members mula sa Peru.

Dahil sa tagumpay ng serye, nagsunod-sunod na ang pag-angkat ng mga television networks sa Latin America. Lumaganap na rin ito sa Peru, Ecuador, Uruguay, Dominican Republic, at iba pang bansa sa rehiyon na noon ay pinanggagalingan lang ng mga Mexicanovelang kinahumalingan ng mga Pinoy.

Isa sa mga sumisikat ngayon ay ang little person at Kapuso actress na si Jo Berry dahil ipinalalabas sa Latin America ang show niyang Onanay na kilala sa rehiyon bilang El Amor Mas Grande. Dahil sa kakaibang konsepto at kuwento, agad na minahal ang serye ang naging isa sa most watched series sa Dominican Republic.

Naging matagumpay din ang ilang Kapuso serye tulad ng Someone To Watch Over Me, Ika-6 Na Utos, Second Chances, at Hindi Ko Kayang Iwan Ka na nagtapos sa bansang Ecuador nang may mataas na ratings. Nagpasalamat pa nga ang bida nitong si Yasmien Kurdi sa kanyang Instagram account dahil sa mainit na pagtanggap sa kanyang advocacy-series.

Larawan mula sa Facebook page na Telenovelas Filipinas

May mga ipinalalabas ding Kapamilya serye sa Latin America tulad ng La Promesa o Pangako Sa ‘Yo na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sa katunayan, ito nga ang unang Pinoy serye na dumating sa bansang Dominican Republic.

Bilang patunay na talagang pinagkakaguluhan ng Latin American fans ang Pinoy serye, isang Facebook page na pinangalanang Telenovelas Filipinas ang inilunsad. Sa ngayon ay mayroon nang higit 78,000 followers ang page at magagandang feedback ang ipinahahatid ng mga fans sa mga Pinoy series.

Loading…