Huwag kalimutan ang mga bata: Kongresista sa Bulacan, namigay ng gatas para sa mga bata ngayong ECQ

  • Namahagi rin ng ayuda ang isang Kongresista sa Bulacan para sa mga bata
  • Namigay siya ng kahon-kahong gatas para sa mga bata na ikinatuwa ng mga magulang
  • Hiling ng ibang netizens, sana raw ay tularan ng ibang LGU ang proyektong ito dahil kailangan din ng mga bata ng wastong nutrisyon

Sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon, marami ang umaasa sa ayudang bigay ng lokal na pamahalaan. Karaniwang nakikita natin ang handog na pagkain ng LGUs tulad ng mga delata, instant noodles, instant coffee, at bigas.

Pero maliban sa mga pagkaing ito, may iba pang pangangailangan ang ilang pamilya lalo na iyong may mga bata at sanggol sa loob ng tahanan. Bahagi ng kanilang pagkain sa araw-araw upang maging malusog ang pag-inom ng gatas.

Larawan mula sa Facebook post ni Cong. Rida Robes

Kaya naman marami ang humanga sa proyekto ng Kongresista na si Rida Robes ng San Jose del Monte City, Bulacan dahil sa kanyang proyektong Alagang Ate Rida – Distribution of Milk. Naisipan daw ito ng kongresista dahil wala pa man ang ECQ ay malapit na talaga siya sa mga bata at nakagawian na niyang gawing prayoridad ang mga ito sa kanyang mga proyekto.

Namigay si Robes ng gatas mula sa mga formula milk para sa mga bata, hanggang sa brand ng gatas na maaaring ma-enjoy ng buong pamilya. Maraming mga magulang ang natuwa sa ayudang ito ng kongresista dahil hindi biro ang presyo ng gatas na ipinamahagi.

Makikitang ang mga formula milk na ipinamigay ay nasa karton pa, indikasyon na mas malaking baryant ang kanilang ipinamahagi. Para naman sa mga pamilyang may mga pre-schoolers na at pataas, tigda-dalawang malaking pakete naman ng gatas ang nakuha.

“Malapit sa pus0 ni Congresswoman Ate Rida Robes, ang mga bata kaya naman kanyang tinugunan ang panawagan ng mga magulang sa ating lungsod, na nangangailangan ng gatas para sa kanilang mga supling,” pahayag ng post sa official Facebook page ni Robes.

Larawan mula sa Facebook post ni Cong. Rida Robes

Maraming magulang ang malaki ang pasasalamat sa nakuhang tulong na gatas para sa kanilang mga anak. Dahil may kamahalan ang gatas, malaking kabawasan sa kanilang gastusin ang natanggap na ayuda mula kay Robes.

Dinagsa rin ng komento ang nasabing post ng mga magulang na umaasang sila rin ay maaabot ng proyekto ni Robes. Tugon naman ng page, iniisa-isa nila ang mga barangay sa San Jose del Monte kaya naman makaaasa ang mga ito ng tulong mula sa LGU.

Loading…