Ice cream vendor mula Rizal, patuloy na nagtatrabaho para kumita sa gitna ng ECQ

  • Itinampok ng isang netizen sa kaniyang social media post ang isang tindera ng ice cream sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon
  • Naispatan niya umano ang vendor na naglalako ng kaniyang paninda sa kabila ng banta ng C0VID-19
  • Hindi naman nag-atubili ang netizen na mag-abot ng tulong upang kahit papaano ay makabili ng mga pagkain ang tindera na diumano’y mag-isa lang sa buhay

Umantig sa karamihan ang social media post ng isang netizen tungkol sa tindera na kaniyang naispatan malapit sa kanilang tahanan.

Imahe mula kay Loi Arcega | Facebook

Sa ibinahaging post ni Loi Arcega sa Facebook noong April 1, makikita ang isang ginang na patuloy na nagtatrabaho bilang ice cream vendor sa kalagitnaan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon.

“Sobrang nadurog ako nung mga oras na nasa harap ka ng bahay nag-aalok ka ng paninda mong ice drop sa kalagitnaan ng banta ng virus sa buong Metro Manila,” sabi nito sa post.

“Mainit ngayon, summer na kumbaga, ngunit ramdam kong wala siyang kita. Balot na balot kaniyang buong katawan para maiwasan lang masunog ang balat sa init ng araw. Makikita mo ding tagaktak ang pawis dahil sa kapal ng kaniyang kasuotan, bigat ng kaniyang dalang paninda at isama mo na rin ang init ng araw,” malungkot na pagbabahagi niya.

“Biglang nakita ko yung quarantine pass na suot ni nanay. Sasabihin ko sa ‘yo na it is so cruel.”

Napag-alaman ni Arcega na mag-isa lamang sa buhay ang tindera at ang pagbebenta ng ice cream lang mismo ang bumubuhay sa kaniya.

Hindi naman nag-atubili ang netizen na mag-abot ng tulong upang kahit papaano ay makabili ng mga pagkain ang tindera na siyang mag-isa lang sa buhay.

Bumili naman umano ng maraming ice drop ang pinsan ni Arcega para makapag-abot din ng kaunting tulong para sa ginang.

Imahe mula kay Loi Arcega | Facebookty

Ikinuwento rin ng netizen sa kaniyang panayam sa GMA News ang naging reaksiyon ng tindera sa kanilang ginawa.

Ayon dito, mangiyak-ngiyak ang ginang na nagpasalamat sa kanila.

Nalaman din niya na sa Rizal nakatira ang tindera at naglalako pa ng kaniyang paninda sa Pasig.

“I am concerned kasi sa dami ng checkpoints, tanging quarantine pass niya lang ang inaasahan niya para makapagtinda,” sabi nito. “Umapaw na emosyon ko nung mga oras na ‘yun.”

Patuloy naman ang pagbibigay ng DSWDng social amelioration card, sa tulong ng mga baranagy officials, para sa mga kababayan na labis na naapektuhan ng quarantine matapos mawalan ng hanapbuhay.

Source :

Facebook, GMA

Loading…