Ilang beach sa Jacksonville, Florida muling binuksan sa kabila ng pandemic; mga nais makapag-relax dumagsa

  • Umani ng batikos ang muling pagbubukas ng beaches sa Jacksonville, Florida sa kabila ng banta ng C0VID-19
  • Bagama’t mayroon diumanong restrictions at pinaiiral ang social distancing, marami ang duda na masusunod ito
  • Nag-trending pa nga sa Twitter ang #FloridaMor0ns dahil sa pagkadismaya ng netizens sa tila pagbabalik normal ng pamumuhay sa Florida, USA

Dito sa Pilipinas, laganap pa rin ang mga Pilipino na patuloy sa kanilang mga aktibidad kahit may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ). Tinataguriang pasaway ang mga residenteng ito na ang iba ay nagkakaroon pa ng kasiyahan at pagtitipon kahit na panawagan ng pamahalaan na pairalin ang social distancing.

Ngunit tila mayroong tatalo sa ‘pagkapasaway’ ng mga Pilipino. Kahit na patuloy ang pagdami ng kaso ng C0VID-19 sa United States, muling binuksan ng pamunuan ng Jacksonville, Florida ang ilang beach area doon na agad namang dinumog ng mga nais makapagbakasyon.

Larawan mula sa YouTube

Isa ang CNN sa mga unang nag-ulat ng pagbubukas ng ilang beach area sa Jacksonville. Ayon sa kanilang ulat, dagsa at nakalinya raw ang mga Amerikanong gustong makagawa ng iba’t ibang aktibidad sa dalampasigan at makapagtampisaw sa dagat.

Bukas lamang daw ang mga beach tuwing 6 ng umaga hanggang 11 ng umaga, at muling bubuksan ng 5 ng hapon hanggang 8 ng gabi. Inanunsiyo din ng website ng Jacksonville na pahihintulutan ang mga aktibidad tulad ng biking, swimming, at hiking.

Bilang pag-iingat naman daw, hindi na pahihintulutan ang ilang aktibidad tulad ng sunbathing o anumang group activity sa dalampasigan o sa mismong karagatan. Bawal na rin magpasok ng mga kagamitan tulad ng upuan, coolers, ihawan, at kahit tuwalya upang malimitahan daw ang aktibidad.

Ayon sa alkalde ng Jacksonville na si Lenny Curry, ang mga pinahihintulutan daw na gawain lang sa beaches ay ang mga kailangang gawin tulad ng ehersisyo. Pinapayuhan din daw ang mga nagpupunta sa beach na ugaliin pa rin ang social distancing.

Larawan mula sa YouTube

Pahayag pa ni Curry, ang pagbubukas daw nila ng beach ay isang pasimula sa pagbabalik ng normal na pamumuhay ng mga tagaroon. Basta raw gagawin ng mga magtutungo sa beach ang mga limitasyong itinakda at siguruhin ang kanilang kaligtasan.

Dahil sa pagdagsa ng mga Amerikano, nag-trending agad sa social media ang hashtag na #FloridaMor0ns. Imbes daw kasi na hikayatin ng kanilang pamahalaan na manatili lamang sa bahay ang mga mamamayan, ay sila pa ang nanguna sa pagbubukas muli ng mga pasyalan tulad ng beaches.

Loading…