Ilang mga nahuling lumabag sa curfew hours, pinagdasal ng rosaryo

  • Pinagdasal ng rosaryo ang ilang mga curfew violators sa isang lugar
  • Ilan lamang ito sa mga parusa sa mga lumalabag sa ipinatutupad na precautionary measures ng ECQ
  • Umani naman ito ng reaksyon mula sa mga netizens

Mahalaga ang pagsunod sa mga direktiba o panuntunan ng enhanced community quarantine upang masawata o mapigilan na ang paglaganap ng COVID–19, na patuloy na lumolobo sa pagdaan ng mga araw. Dalawa sa mga mahigpit na ipinatutupad kaugnay ng ECQ ang social o physical distancing at ang curfew hours.

Inaasahang wala nang sinumang naglalakad o nasa labas ng kanilang mga tahanan mula ikawalo ng gabi hanggang ikalima ng madaling–araw. Subalit hindi talaga maiiwasang magkaroon ng mga “pasaway”. Iba–iba ang pagparusa ng mga awtoridad sa mga lumalabag. Batay sa post ng Facebook page na “Rant”, pinagdarasal ng rosaryo ang ilang mga nahuling lumabag sa curfew hours sa isang lugar.

Imahe mula sa Facebook account na Rant/Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Tama iyan kasi karamihan sa kabataan ngayon hindi nagdadasal. I think iyan ang pinakatamang gawin. Sana all ganyan ginagawa,” komento ng isa.

Turan naman ng isa, “Hindi dapat ginagawang parusa ang pagrorosaryo. Dapat kusang–loob na ginagawa ito ng tao. Nagkakaroon ng mensahe sa tao na ang pagdarasal ay isang kaparusahan.”

“Okay lang iyan, sa panahon ngayon dapat talaga nagdarasal ang mga tao, parusa man o hindi. We need more prayers in times like this,” sabi naman ng isa.

Samantala, marami namang pakulo ang ginagawa ng ilang mga barangay sa paggawad ng parusa sa mga taong lumalabag sa curfew. Sa San Isidro, Parañaque City, nagpuwesto ng isang kabaong walang bangkay sa harap ng barangay hall at pinauupo sa harapan nito ang curfew violators.

Ayon sa punong barangay na si Noel Japlos, harapan at direktang paalala na rin ito sa posibleng kahihinatnan ng sinumang madapuan ng COVID-19 kung hindi susundin ang mga precautionary measures ng ECQ.

Sa Barangay Pineda naman sa Pasig City, pinaghawak ng kandila, pinagprusisyon, at pinagdasal naman ang mga lumabag. Kahit na naglalakad, tiniyak pa rin na sinusunod ang social distancing upang matiyak pa rin ang kaligtasan ng lahat.

Public Domain Image

Loading…