Ilang pamilya sa Quezon City, sa jeep na lang nakatira dahil pinalayas sa mga inuupahang bahay pagkat ‘di makabayad

  • Ilang pamilya ng jeepney drivers ang nakatira na lang sa minamanehong jeep dahil wala na raw silang matuluyan
  • Pinalayas daw kasi sila sa inuupahang bahay dahil hindi na raw makabayad pagkat walang pasada kaya walang ring kinikita
  • Marami naman ang nahabag sa kalagayan ng mga pamilya at naiinis sa may-ari ng inuupahang bahay na nagpaalis sa kanila

“Stay at home” ang panawagan sa marami upang hindi na lumaganap pa ang C0VID-19. Mas kaunting pakikisalamuha kasi sa mga tao, mas kaunti ang tsansang magkahawaan at lumaganap pa ang virus. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay kayang mag-stay at home ng mga kababayan natin. Hindi dahil pasaway sila o kailangan lang nilang magtrabaho, ngunit dahil wala naman silang bahay na uuwian.

Ito ang mensaheng ipinababatid ng Facebook post ng Kapuso journalist na si Bernadette Reyes. Inilahad niya kasi sa kanyang post na may ilang pamilya sa NS Amoranto, Quezon City na pinipiling manirahan sa kanilang mga pinapasadang jeep dahil wala nang pambayad sa kanilang inuupahang bahay.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Dahil daw natigil sa pagpasada ang mga jeep, wala na ring pinagkukuhanan ng kita ang mga ito. Dahil dito, wala na silang pambayad sa kanilang bills, pambili ng pagkain, at maging ang pang-upa sa tinitirahang bahay.

Dito na raw sila natutulog at naglalagi habang sa gilid ng kalsada na lang daw sila nagluluto at naglalaba. Umaasa na lang din ang mga pamilyang ito sa ayuda ng mga motoristang nagdadala ng pagkain para sa kanila.

“Pamilya ng mga jeepney driver nakatira ngayon sa pinapasadang jeep dahil wala nang pambayad sa upa mula nang matigil ang byahe. Umaasa sila sa mga dumaraang motorista para maitawid ang pangkain araw-araw. Sa jeep sila natutulog at kumakain habang sa gilid ng kalsada sila nagluluto at naglalaba,” pahayag ni Reyes sa kanyang post.

Agad na nag-viral sa social media ang post na ito ni Reyes. Dalawang oras pa lamang naka-upload ang larawan ngunit umabot na sa higit 2,600 ang reactions, 200 comments, at 3,400 shares. Marami naman ang nagka-interes tumulong sa pamilya.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Hiningi nila ang detalye ng mga pamilya sa nasabing lugar sa Quezon City. Sagot naman ni Bernadette, madali raw silang makikita dahil marami-rami na raw ang pamilyang sa jeep na lumalagi roon.

May ilan namang netizens na inis ang nararamdaman sa mga may-ari ng inuupahang bahay ng mga jeepney drivers. Ayon sa kanila, wala raw pus0 ang mga ito upang paalisin ang mga nangungupahan sa gitna ng krisis na kinahaharap natin ngayon.

Loading…