Imelda Papin ipinaliwanag ang partisipasyon niya sa kontrobersyal na awiting “Iisang Dagat”

  • Imelda Papin nag-trending sa Twitter Philippines dahil sa partisipasyon niya sa kantang “Iisang Dagat”
  • Umani ng libo-libong dislikes ang video ng “Iisang Dagat”
  • Ipinaliwanag ni Imelda Papin ang naging partisipasyon niya sa awiting nilikha ni Chinese Ambassador Huang Xilian

Nag-trending sa Twitter Philippines ang tinaguriang “Jukebox Queen” at kasalukuyang Camarines Sur Vice Governor na si Imelda Papin dahil sa partisipasyon niya sa “Iisang Dagat” – ang awitin na nilikha ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Screenshot mula sa”Iisang Dagat” video

Naging kontrobersyal ang awitin matapos itong ikabit ng maraming netizens sa isyu ng pag-angkin ng China sa mga isla sa West Philippine Sea na sakop ng Pilipinas. Dahil doon, hindi ikinatuwa ng mga netizens ang partisipasyon ni Imelda Papin sa “Iisang Dagat” na umani ng libo-libong dislikes sa YouTube.

Ang nasabing awitin, ayon sa Facebook post ng Chinese Embassy sa Maynila, ay tungkol sa pagtutulungan ng Pilipinas at China sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Imelda Papin, maganda ang mensahe ng “Iisang Dagat. Isang awitin umano ito ng pagkakaisa, pagtutulungan at pag-asa.

Nilinaw niya na hindi siya ang nagprisinta, kundi personal siyang napili ni Ambassador Huang Xilian na mapabilang sa mga kumanta ng kanyang komposisyon. Hindi rin umano siya tumanggap ng anumang kabayaran.  Kasama niyang kumanta ang Chinese actor na si Yubin, Chinese diplomat na si Xia Wenxin at Filipino-Chinese singer na si Jhonvid Bangayan.

Screenshot mula sa”Iisang Dagat” video

“Hayaan natin sila, ipagdasal ko na lang. Kasi hindi naman ako nagpresenta. Ako mismo ang kinuha  bilang chosen artist ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, the composer of the song at ang message ng song, it’s all about unity, awitin ng  pagkakaisa, pagtutulungan at pag asa,” sabi ni Imelda Papin.

“Dapat huwag bigyan ng kulay. Kasi mababa ang moral ng tao ngayon. Dapat sa pamamagitan ng boses ko ay tumaas ang moral ng ibang tao at makapagbigay-inspirasyon, na ngayon ang panahon na dapat magkaisa, wala na munang away,” ayon pa sa singer na nagpasikat ng mga kantang “Isang Linggong Pag-ibig” at “Bakit.”

Screenshot mula sa”Iisang Dagat” video

Ipinagtanggol si Imelda ng anak niyang si Maffi Papin Carrion na isang beauty queen.

“Sa lahat na singers s’ya ang pinili. Ano’ng masama po doon, artist siya? Secondly, maganda naman ang lyrics – its all about unity- pagkakaisa, pagtutulungan at pag-asa. Ever since, unity has been her advocacy kaya tinanggap n’ya po ang project,” sabi ni Maffi.

Inihalintulad pa ni Maffi ang “Iisang Dagat” sa popular na kanta ni Leah Navarro na nanalo sa 3rd Metro Manila Popular Music Festival noong 1980s na “Isang Mundo, Isang Awit.”

Loading…