Inabangan at nilantakan mo rin ba ang santol na may bagoong tuwing uwian mula sa paaralan?

  • Nagdulot ng nostalgia ang larawan ng binalatan na santol na nakababad sa bagoong na maanghang
  • Patok ito sa mga batang 90’s na inaabangan nila sa mga tindahan sa labas ng paaralan pagkatapos ng kanilang mga klase
  • Nagbahagi naman ang ilang mga netizens hinggil sa kanilang mga karanasan hinggil dito

Tunay na kay sarap balikan ang nakalipas lalo na kung ito ay tungkol sa mga alaala ng pagkabata; mga panahong payak at payapa pa ang lahat. Wala pang masyadong iniisip na suliranin. Ang ikinababahala lamang ay mga mumunting bagay, tulad na lamang ang isping baka ubos na ang mga pagkaing itinitinda sa labas ng paaralan pagkatapos ng mga klase.

Isa sa mga paboritong pagkain ng mga batang 90’s ang panindang santol na may sawsawang maanghang na bagoong, na kadalasan ay nakasilid sa plastik at itinitinda sa mga mag–aaral tuwing uwian mula sa paaralan.

Ibinahagi ito sa Facebook page na “We are 90’s (Kami ang Batang 90’s)” ng netizen na nagngangalang “Marion”.

Imahe mula sa Facebook page na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s) / Public Domain Image

Aniya, “Yung ipinagbabawal lumabas ng gate ng school pero pipilitin mong makalabas ng recess makabili lang nito o pagkatapos ng klase deretso ako bumili nito baka magkaubusan, meron din bang ganito sa tindahan sa labas ng eskwelahan ninyo at ano tawag nito sa inyo? Sa amin buro eh, tig–5 pesos yata noon.”

Relate–much naman dito ang ilang mga netizens na mahahalatang batang 90’s.

“Naaalala ko tatay ko diyaan hehehe. Masarap ‘yang gawing juice, crushed ice at asukal lang katapat niyan, puwede rin gawing jam,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naglalaway ako ano ba ‘yan. Sumakit man ang tiyan mo hindi ka mangangamba kasi natural na pagkain ang kinain mo… pero ngayon ang mga estudyante kapag sumakit ang tiyan matatakot ka kasi baka nalason. Medyo maaarte na kasi ang kabataan ngayon.”

“Masarap iyan, tapos kapag  nalunok mo yung maliit na matamis na buto, tapos hindi ka na makatulog kasi tutubo daw yun, lalabas sa bibig ang mga sanga tapos sa puwet ang ugat. Hahahaha, Those were the days,” pagbabahagi naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s) / Public Domain Image

Ang santol ay isang uri ng puno at bilog na prutas na lumalago nang mabilis na maaaring umabot sa taas na 150 talampakan. Mayroon itong kulay rosas o dilaw-berdeng mga bulaklak na may habang 1 sentrimetro. Kinakain ang laman nito at sinisipsip naman ang mga buto nito sa loob. Walang batayang makaagham ang mga haka–hakang maaaring tumubo sa bituka ang butong nalunok sa pagkain nito.

Loading…