Isang ginang sa Quezon Province, namataang mataimtim na nagdarasal sa tapat ng simbahan sa kabila ng pandemic

  • Inspirasyon ang dala ng isang ginang na mataimtim na nagdarasal sa tapat ng isang simbahan sa kabila ng pandemic
  • Dahil sarado ang mga simbahan at walang misa, pinili na lang ng babae na magdasal sa tapat ng simbahan
  • Maraming netizens naman ang naantig sa larawan at sinabing huwaran ang ginang na nais nilang tularan

Sa panahong tila sinusubok tayo ng mga dagok na dumarating sa atin, kung minsan ay mahirap na patuloy na kumapit at maniwala sa Maykapal. Hindi maiiwasang mabalot ng mga tanong ang ating isip kung bakit nga hinahayaan ng langit na danasin natin ang lahat ng ito.

Ngunit kung mayroong mga taong nahihirapang ipagpatuloy ang pananalig dahil sa mga pagsub0k, mayroon din namang matibay ang panininiwala sa ibinibigay na pagmamahal ng Diyos. Ganito ang istorya sa isang Facebook post na umantig sa maraming netizens.

Larawan mula sa Facebook post ni Olivia Siray Zulueta

Nakuhanan ng larawan ni Olivia Siray Zulueta ang isang ginang na mataimtim na nagdarasal sa tapat ng Our Lady of Lourdes Parish sa Tagkawayan, Quezon sa kabila ng dinaranas na pandemic ng ating bansa. Naantig si Olivia sa ginagawa ng babae at in-upload ang mga larawan sa kanyang Facebook account.

Ayon sa uploader, isang patunay ang ginang na sa kabila ng mga unos na hinaharap natin ay mayroon tayong mabisang sandata upang malagpasan ang mga ito—ang pagdarasal. Bagaman wala pang kaso ng C0VID-19 sa Tagkawayan habang isinusulat ang istoryang ito, naging larawan ng pag-asa sa marami niyang kalugar ang ginawang pananalig ng babae.

“Hindi hadlang ang kahit anong sakuna, sa mga taong nananampalataya, sa Diyos na may likha ng langit at lupa. Isang mapagpalang araw sa ating lahat. Prayer warrior is in the air,” sabi ni Olivia sa kanyang post.

Maraming netizens din ang naantig sa mensaheng nais ipahatid ng larawan. Maging ang mga hindi taga-Quezon ay nakakuha ng inspirasyon mula sa matibay na pananalig ng ginang sa Diyos. Ayon sa kanila, sa panahong hindi nakikita ang kalaban, isang mabisang paraan daw ang panalangin upang palakasin ang loob ng isa’t isa.

Larawan mula sa Facebook post ni Olivia Siray Zulueta

Para naman sa ilang netizens, isang paalala ito na kahit walang misa sa mga simbahan ngayon, anumang relihiyon, ay maaaring ipagpatuloy ang pagbibigay ng papuri sa ating nag-iisang Ama. Na-inspire sila ng ginang na ipagpatuloy ang pagdarasal, pagdalo ng mga misa online at sa telebisyon, at maging mabuti sa kapuwa na isang pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos.

Ayon sa ilang nagkomento, ang babae ay tinatawag nilang si Sister Fe. Hindi man malinaw ang pagkakakilanlan ng babae, isa lang ang tiyak—na naging magandang halimbawa siya para sa kanyang kapuwa sa mga panahong kailangan nating manalig sa Kanya.

Loading…