Isang pamilihan sa Nasugbu, Batangas, marami pa ring tao sa kabila ng ECQ

  • Tila may fiesta sa isang pamilihan sa Nasugbu, Batangas
  • Sa kabila ito ng ipinatutupad na enhanced community quarantine
  • Marami sa mga netizens ang nagbigay ng reaksyon at komento hinggil dito

Mahalaga ang pakikiisa ng mga mamamayan sa pagsunod sa mga panuntunan ng enhanced community quarantine upang mapigilan na ang pagkalat ng mapamuksang COVID–19 na maaaring maipasa at maipalaganap sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa ibang tao. Hangga’t maaari, huwag nang lumabas ng kani–kanilang tahanan.

Subalit marami pa rin talaga ang “pasaway” at matitigas ang ulo pagdating sa bagay na ito. Gaya na lamang sa isiniwalat sa Facebook post ng isang Batanguenong netizen na nagngangalang “Felipe” kung saan makikita sa kalakip na larawan at video na napakarami pa ring tao sa isang pamilihan sa Nasugbu, Batangas.

Imahe mula sa Facebook account ni Felipe R. Moreno Jr.

Ayon sa kaniyang post, “Goodluck Nasugbu! Hirap na po ang mga frontliners namin at kapitan namin sa dami ng makukulit, kung may barangay man po na nalulusutan ng makukulit na wala naman sa schedule ng paglabas, pakiusap ho na lalo ninyo pa po higpitan.”

Pakiusap niya sa mga tao, “Maawa po kayo sa mga frontliners lalo na dito sa Brgy. 10, tiis silang mababad sa init maghapon pero hindi na nila kaya lahat ng kakulitan ninyo. At para naman sa mga may schedule ng paglabas pakiusap ho na kayo na mismo sa sarili ninyo ang magpatupad ng social distancing at baka sakali eh mamulat na kailangan nating lahat mag-ingat.”

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizens.

Mungkahi ng isa, “Marami pa sila pamalengke, dapat talaga i–total lockdown ang Nasugbu. Kapag ganyan dapat may mga sundalo na kayong kasama kung hindi mapakiusapan iyang mga iyan.”

“Ala eh, katitigas ng ulo eh! Para namang hindi naghihirap ang karamihan sa atin? Aba’y parang fiesta ng bayan eh! Sige lang po kayo talaga ang dahilan kung bakit nagtatagal ang ECQ tapos kayo ang nangungunang magreklamo sa gobyerno! Gagaling ninyo talaga,” turan naman ng isa.

Biro naman ng isa, “Magpakawala kayo ng sampung Belgian dogs, tingnan natin kung hindi magtakbuhan iyang mga iyan. Mga pasaway eh!”

Samantala, wala pang reaksyon ang lokal na pamahalaan ng Nasugbu, Batangas sa naturang mga larawan. Ang enhanced community quarantine ay na–extend hanggang katapusan ng Abril lalo pa’t lumolobo ang mga kompirmadong kaso ng mga taong tinamaan ng COVID–19, lalo na sa Luzon.

Sana po ay makiisa na ang lahat upang matapos na ito ay maibalik na sa normal ang lahat!

Samantala, i–click ang larawan sa ibaba upang mapanood ang uploaded video ng netizen na magpapakita ng sitwasyon sa naturang pamilihan:

Video mula sa Facebook account ni Felipe R. Moreno Jr.

Loading…